Nagtulungan ang Department of Science and Technology (DOST)-Rizal at ang lokal na pamahalaan ng Tanay upang maghatid ng serbisyong medikal, pangangalagang pangkalusugan, at nutrisyon sa mga residente ng Eastshine Residences, Brgy. Plaza Aldea, Tanay, Rizal noong ika-6 ng Hulyo 2023.
Si Provincial S&T Director Fernando Ablaza ng DOST-Rizal habang iniaabot kay
Tanay Vice Mayor Rex Manuel Tanjuatco ang enhanced nutribun.
Sa inisyatibo ng barangay health workers (BHWs), ng Municipal Health Office (MHO) ng LGU-Tanay, Rizal Provincial Health Office, at ng 2nd Infantry Division Philippine Army, libreng check-up, mga multivitamin at supplement, at kagamitan para sa pangangalaga ng kalusugang dental ang naihatid para sa mga bata at mga matatanda. Mayroon ding libreng tuli para sa mga nagbibinata.
Nagkaroon din ng pagbabahagi ng kaalaman ukol sa hypertension na pinangunahan ni Dr. Ernest Piguing ng MHO LGU-Tanay habang pangangalaga naman ng kalusugang dental ang itinuro ni Dra. Katalina Custodio na sinundan din niya ng demonstrasyon ng tamang paraan ng pagsisipilyo ng ipin.
Namahagi rin ng Enhanced Nutribun o e-Nutribun at goto para sa mga nakilahok na residente.
“Mas siksik at mas nakakabusog ang E-Nutribun ngayon kumpara sa mga pinapamahagi sa ating mga paaralan noon, mas marami na rin ang sangkap nitong may sustansya,” ani Provincial S&T Director Fernando Ablaza ng DOST-Rizal.
Nagpaabot rin ng mensahe si Vice Mayor Rex Manuel Tanjuatco na nagsabing patunay ang programa ng pagpapahalaga ng lokal na pamahalaan sa mga katulad na inisyatibo.
Ang E-Nutribun ay produkto ng teknolohiya at pananaliksik ng DOST-Food and Nutrition Research Institute. Nagtataglay ito na maraming micronutrient tulad ng 6.08 milligramo ng iron, 244 microgramo ng vitamin A, may 504 calories, at 17.8 gramo ng protein.
Malambot rin ito at may timbang na 160 hanggang 165 kada piraso - dahilan upang mas madali itong hawakan at makain ng mga bata.
(Impormasyon mula kina Arthea Marie M. Genova at Trinidad R. Sager, DOST-Rizal)