Taon-taon, daan-daang Filipino ang namamatay at bilyong ari-arian ang nawawala dahil sa sunog.
Ayon sa datos mula sa Bureau of Fire Protection, nakapagtala sila ng 13,029 na insidente ng sunog para sa taong 2022 lamang. Para rin sa unang semester ng 2023, nakapagtala na ng P15,122,588,314.00 katumbas na halaga ng ari-arian na nasira dahil sa sunog kumpara sa P1,619,206,831.00 na naitala sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Ito ang patunay kung kaya’t nakikitang mahalaga ang kabubukas lamang ulit na fire testing lab ng Department of Science and Technology - Forest Products Research and Development Institute o DOST-FPRDI. Ito ang kaisa-isang laboratoryo sa buong bansa na may kakayahang magsuri ng ignitability o pag-apoy at combustibility o pagkasunog ng mga kahoy.
Ayon kay DOST-FPRDI Director Romulo T. Aggangan, bagaman ang bago muling bukas nilang laboratoryo ay nasa infancy stage pa lamang, mabuti na aniya itong simula para masuri ang mga malilit na wood samples.
“Nagdadala ng murang serbisyo ang naturang laboratoryo para sa mga nasa industriya ng konstruksiyon at hindi na nila kailangan pang ipadala ang kanilang mga sample sa mga akreditadong laboratoryo sa Singapore at Malaysia,” aniya.
Sa tulong ng naturang laboratoryo, mas marami nang lokal na kontraktor at mga debeloper ng mga materyales ang makasusunod sa National Fire and Building Codes na makatutulong naman sa mas epektibong pagpapatupad ng mga batas sa Pilipinas ukol sa kaligtasan sa sunog.
Sinimulan ng DOST-FPRDI ang naturang laboratoryo noong pang 1961 at sa loob ng maraming taon ay nakapagbigay ng serbisyo sa industriya ng konstruksiyon sa bansa. Natigil lamang ang operasyon ng laboratoryo nang hindi na umano angkop ang mga kagamitan at makina sa laboratorya para sa mga pangangailangan o requirement ng industriya.
Ayon kay Shirley A. Pelayo ng DOST-FPRDI, malaking tulong ang mga bagong bili at disenyong mga kagamitan upang makapagbigay ang ahensya ng epektibong serbisyo para sa kanilang mga kliyente. Umaasa rin sila na mapaunlad pa ang laboratoryo ng mas makabagong mga kagamitan. (Impormasyon mula kay Rizalina K. Araral ng DOST-FPRDI)