MENU

FPRDI_Lab_Testing.png

Sa tulong ng teknolohiyang hatid ng Department of Science and Technology XI o DOST-XI, hindi na kailangang maglakad ng ilang kilometro ng mga residente sa Barangay Lumiad, Paquibato District para lamang makakuha ng tubig na maiinom.

Ang naturang teknolohiya ay ang ram pump water system na handog ng DOST-XI sa ilalim ng programang Community Empowerment through Science and Technology (CEST)-Davao City.

Ayon kay John Villarma na project technical assistant at Davao City CEST Staff, nakatutulong ang naturang pump upang dalhin ang tubig mula sa isang bukal na may lalim na 120 hanggang 210 metro at may layong tatlong kilometro mula sa naturang barangay.

FPRDI_Lab_Testing.png

Ayon sa inisyal na pagtataya, kaya nitong makakolekta ng hanggang 7,500 na litro ng tubig kada araw ngunit sa aktwal na pagsubok, umabot ng 43,200 na litro ng tubig ang kaya nitong makolekta kada araw.

May mga gripo namang ikinabit sa loob ng Lumiad Elementary School, Lumiad National High School, at sa harap ng barangay hall.

Nauna nang sinabi ni DOST Davao City Science and Technology Director Arnel M. Rodriguez na nakadisenyo ang naturang water pump na may nakahilig na tubo upang pakinabangan ang grabidad at hindi na kailangang gumamit ng pump na pinapatakbo ng kuryente o fossil fuel.

Tinatayang aabot sa 1,500 residenteng naninirahan sa malayong nayon ng Barangay Lumiad.

Labis naman ang pasasalamat ni Lumiad Elementary School Principal Jay Remorosa dahil kahit na malakas ang hangin at ulan, hindi raw umano nasira ang ikinabit na water system ng DOST-XI. 

“Maganda itong proyekto dahil tuloy-tuloy kaming makikinabang dito,” aniya.

Ang pinal na yugto ng proyekto ay isasagawa upang madetermina ang kalidad ng tubig at malaman kung angkop ba ito upang inumin. (Impormasyon mula sa DOST-XI S&T Information and Promotion)