Sa hangarin na magkaroon ng mga eco-friendly school furniture, inilunsad ni Congress Representative Jose Manuel “Joeman” Alba ng unang distrito ng Bukidnon katuwang ang ahensya ng Department of Science and Technology (DOST) ang proyektong Silyang Pinoy na teknolohiya mula sa DOST-Forest Products Research and Development Institute (DOST-FPRDI).
Upang ipakilala ang Silyang Pinoy sa probinsya, nagkaroon ng dalawang pagsasanay na inihanda para sa mga residente ng Bukidnon.
Una na ang paglunsad sa pagsasagawa ng engineered bamboo boards na isa sa pangunahing produkto ng ‘Silyang Pinoy’ na ginanap noong Hulyo 11-16 habang ang ikalawa ay ang pagtuturo para sa aktwal na produksyon ng Silyang Pinoy na ginanap naman noong Hulyo 24-28. Ginanap ang mga naturang pagsasanay sa Bamboo Pavilion, Damilag, Manolo Fortich, Bukidnon.
Bunga nito, nakalikha ang mga residente ng dalawang mesa at silya para sa mag-aaral ng elementarya at nakagawa rin ng dalawang silya at isang mesa para sa mag-aaral ng sekondarya. Matatagpuan ang mga nasabing bagong gawang produkto ng Silya Pinoy sa Bamboo Pavilion, Manolo Fortich.
Magagamit sa maraming paraan ang mga produkto ng Silya Pinoy na mesa at silya sapagkat maaari itong maging alternatibong kagamitan sa mga panahon ng kalamidad. Dagdag pa rito, maituturing na isa sa mga evacuation areas ang mga paaralan kaya naman kitang-kita ang kahalagahan ng produkto ng ‘Silyang Pinoy’.
Inaasahan na ang mga residente ng Bukidon na lumahok sa programa ang magsisimula sa paglikha ng mga produkto ng ‘Silyang Pinoy’ na siyang tutugon sa panawagan ng Department of Education sa pamamagitan ng inisyu nitong EO No. 879 na naglalayong magkaroon ang mga pampublikonng paaralan ng 25 porsyento ng mesa at silya na gawa sa kawayan.
Alinsunod dito, gumagamit ang produksyon ng Silyang Pinoy ng mga engineered bamboos na siyang nagbibigay-tibay sa pagkayari ng mesa at silya. Nagpapakita rin ng pagiging makakalikasan ang paggamit sa nasabing kawayan.
Naisakatuparan naman ang paglunsad ng programang Silyang Pinoy sa pamamagitan ni Rep. Alba at DOST-Bukidnon na nanguna upang pag-ugnayin ang mga eksperto sa DOST-FPRDI at mga lokal na manggagawa na magkaisa para sa pagsasanay ng produksyon ng engineered bamboo boards.
“Sa panahon ngayon, kumakalat pa rin ang mga isyu ukol sa pagpuputol ng puno dahil sa pagkakaroon ng hardwoods. Makikita ang hardwoods furniture, hindi lamang sa mall, ngunit maging sa mga lugar na nasa bukid at liblib na rin. Dahil dito, isinusulong namin ang paggamit ng engineered bamboos upang mabawasan ang pagputol ng mga puno,” ani Rep. Alba.
Sa pagsuporta sa adhikain ni Rep. Alba, ipinahayag ng mga residente ng Bukidnon ang kanilang interes na magsagawa ng mga produkto ng Silyang Pinoy na siyang labis na makatutulong sa pangangalaga ng kalikasan sa kanilang bayan.
“Isa sa aming mga adbokasiya ang paglunsad ng backyard bamboo processing sapagkat nais naming mapadami ang bilang ng lokal na manggagawa na gumagamit ng kawayan bilang isang mabisang alternatibo sa mga hardwoods,” pahayag muli ng representate ng Distrito Uno. (Impormasyon mula sa DOST-X)