Upang mapabuti pa ang katatagan laban sa mga sakuna, nakipagtulungang ang Department of Science and Technology (DOST) sa iba’t ibang opisinan upang magsagawa ng disaster risk reduction management o DRRM contingency planning workshop upang ma-update ang mga nakalatag na plano kaugnay sa paghahanda laban sa sakuna.
Kasama ang pamahalaang panlalawigan ng Bukidnon, Office of Civil Defense (OCD), at ang opisina ni Senador Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri, ito ay ginanap noong ika-16 hanggang 18 ng Agosto 2023 sa Valencity City, Bukidnon.
Nakilahok ang dalawang syudad at 22 munisipalidad sa Bukidnon sa apat na araw na serye ng pagsasanay at workshop na pinangunahan ng DOST - Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) at OCD bilang mga tagapagturo.
Ang pangunahing layon ng pagtitipon ay mai-update at mapaunlad ang kasalukuyang mga plano ng mga syudad at munisipalidad sa probinsya ng Bukidnon partikular na sa pagtugon sa sakunang dulot ng pagguho ng lupa o landslide, mabilisang pagbaha o flash flood, at lindol o earthquake. Layunin rin nito na maisama sa naturang mga plano ang mga teknolohiyang dinebelop ng DOST at magamit ng mga lokalidad sa pinabuting pagbabawas, pag-iwas, at pagpapagaan ng mga panganib.
Dumalo ang kalihim ng DOST na si Dr. Renato U. Solidum Jr. bilang panauhing pandangal. Sa kanyang talumpati, idiniin niya ang importansya ng mabuting pamamahala pagdating sa kahandaan sa sakuha.
“Ang mabuting pamamahala sa paghahanda laban sa sakunang dulot ng kalamidad ay masusukat sa bilang ng buhay na naisalba, mas kaunting tao na naapektuhan, at mas mababang pagkalugi sa ekonomiya,” aniya.
Dagdag dito, ibinida rin niya ang importansya ng paggamit ng mga teknolohiya upang matugunan ang mga natural na kalamidad sa kinakaharap ng bansa, tulad ng inisyatibo ng GeoRisk PH.
Dumalo rin sa naturang pagtitipon sina DOST Undersecretary for Regional Operations, Usec. Sancho A. Mabborang, DOST-PAGASA Officer-in-Charge, Dr. Nathaniel Servando; Mindanao PAGASA Regional Services Division Chief, Anthony Joseph Lucero; at si OCD-X Director Antonio B. Sugarol.
Sa mensahe naman ni Bukidnon Governor Rogelio “Oriel” Roque, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng agham, teknolohiya, at inobasyon at mga aplikasyon nito sa probinsya. Dagdag niya, mahalaga rin na ang mga solusyon sa problema ng sakuna at klima ay laging nagagamit, nararating, at angkop sa lokal na tagpo.
Nangako naman ang pamunuan ng DOST sa rehiyon na ipagpapatuloy nila ang naturang inisyatibo.
Ani DOST-Bukidnon Provincial Director Ritchie Mae L. Guno, may isasagawa silang follow-up activity sa susunod na buwan ng Setyembre habang nag-imbita naman si DOST-X Regional Director Engr. Romelia N. Ratilla sa isasagawang HANDA Pilipinas: Innovations in Disaster Risk Reduction and Management Nationwide Exposition 2023 Mindanao leg sa darating na ika-4 hanggang 6 ng Oktubre 2023 sa Atrium, Limketkai Mall, Cagayan de Oro City. (Impormasyon mula kay Nova Belle C. Calotes, DOST-X)