Ipinamalas ng Department of Science and Technology-National Capital Region (DOST-NCR) ang iba't-ibang kaganapan, kasiyahan, at kagalingan sa larangan ng agham, teknolohiya, at inobasyon sa kalulunsad lamang na 2023 Regional Science,Technology, and Innovation Week (RSTW), na nagsimula noong ika-30 ng Agosto at tatakbo hanggang sa ika-01 ng Setyembre 2023, sa Bonifacio Global City (BGC), Taguig.
Naka-sentro ang tema ng selebrasyon sa "Siyensya, Teknolohiya at Inobasyon:
Kabalikat sa Matatag, Maginhawa at Panatag na Buhay," na maghahatid ng samu’t saring mga aktibidad kagaya ng mga exhibits, mga diskusyon ng kaalaman, at talakayan patungkol sa agham, teknolohiya, at inobasyon.
Ani DOST Undersecretary for Regional Operations Sancho A. Mabborang sa kanyang mensahe sa pagbubukas ng selebrasyon, isinusulong ng departamento lalo na sa mga operasyon nito sa lokal na lebel na magamit ang siyensya, teknolohiya, at inobasyon sa paglutas ng mga problema sa kalikasan, matugunan ang pangangailan ng ekonomiya, at maitaas ang antas ng pamumuhay ng mga tao.
Ayon naman kay DOST-NCR Regional Director Engr. Romela Trasvales, sa paglulunsad ng mga kasunduan kasama ang iba’t ibang syudad sa rehiyon, umaasa ang DOST-NCR sa pagpapaunlad pa ng mga plano at implementasyon nito ng mga proyektong may kinalaman sa siyensya, teknolohiya, at inobasyon sa iba’t ibang lugar.
Naglalayon ang RSTW na pag-isahin ang pwersa ng mga iba’t-ibang sangay ng mga
pribado at pambulikong ahensya, akademya at mga entreprenyur upang mapalawig pa ang kaunlaran at kahusayan ng mamamayang Pilipino sa Siyensya, Teknolohiya, at Inobasyon (STI), lalong-lalo na sa Kalakhang Maynila.
Iba't ibang mga stakeholders mula sa mga iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa rehiyon, National Government Agencies (NGAs), mga pamahalaang lungsod, Industry Associations, MSMEs, akademya, mga siyentipiko, at innovators.
Para sa mga anunsyo at updates patungkol sa selebrasyon, i-follow lamang ang opisyal na Facebook page ng DOST-National Capital Region.
Makikita hanggang 1 Setyembre 2023 ang mga eksibit ng mga teknolohiya sa 2023 Regional Science, Technology, and Innovation Week ng DOST-NCR sa Samsung Hall, Level 6 ng SM Auro Premier Mall.