MENU

Bilang bahagi ng pasimula sa pagpapaigting ng industriyang asin sa bansa, nagsanib-lakas ang tanggapan ng Kagawaran ng Agham at Teknolohiya sa Rehiyong MIMAROPA o DOST-MIMAROPA—sa pamamagitan ng tanggapang panlalawigan nito sa Palawan o PSTO-Palawan—at ang Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa pagtatag ng pinakaunang pagawaan ng asing pinayaman sa yodo o "iodized salt" sa Barangay Danleg sa Dumaran, isa sa mga munisipyong pulo ng nasabing lalawigan. 

Pinasinayaan ang bagong pagawaang panlalawigan noong ika-18 ng Agosto, taong 2023 bilang isang makabuluhang gawain na nagsisilbing tugon sa Batas-Republika Bilang 8172 o ang tinaguriang "Asin Law," na nag-atas na mapunan ang sapat na pangangailangan ng mga mamimiling Pilipino para sa sustansyang yodo.

Kilala ang munisipyo ng Dumaran sa hilagang Palawan dahil sa pamayanan nito ng mga tagagawa ng asin sa Barangay Bohol bilang pinakamalaki sa buong lalawigan. Bunga ng mahigpit na pagpapatupad ng "Asin Law," sari-saring mga balakid sa paglago ng merkado ang sinalubong ng mga nasabing tagagawa tulad ng kabagalan sa paggawa at hindi pantay na paghalo ng yodo sa asin.

Ipinagkaloob ng DOST-MIMAROPA ang mga kinakailangang kagamitan sa pagawaan tulad ng mga makinang panghalo ng yodo at pangbanlaw ng asin na pawang binuo ng Industrial Technology Development Institute o DOST-ITDI. Naglunsad din ang dalawang tanggapan ng mga pagpupulong upang mabigyang kaalaman ang mga tagagawa ng asin ukol sa wastong paggawa ng pinayamang asin.

Ayon kay Gregorio Padul, kasapi ng Bohol Salt Makers Association, maaaring mapaigting ng proyekto ang kakayahan sa paghahalo ng yodo at ang kalidad ng pinayamang asin sa merkado.

Dagdag pa niya, malaking tulong din ang pagkakataong ito na madagdagan ang kita sa hanapbuhay ng mga tagagawa ng asin, pati na rin ng mga mag-anak na nakatira sa mga pamayanan sa kanayunan at baybayin.

                                                                             A machine with a blue frame

Description automatically generated A machine with a blue frame

Description automatically generated 

Ang pagpapasinaya ng pagawaan ay pinangunahan nina Dr. Ma. Josefina P. Abilay bilang Tagapangasiwa ng DOST-MIMAROPA, Victorino Dennis M. Socrates bilang Punong Lalawigan, Richard R. Herrera bilang Punong Bayan, at Arnel T. Caabay bilang Ikalawang Punong Bayan. Dumalo rin sina Engr. Jerry B. Mercado bilang Ikalawang Tagapangasiwa ng DOST-MIMAROPA, Engr. Pacifico Sariego III bilang Tagapangasiwa ng PSTO-Palawan, EnP. Sharlene D. Vilches bilang Tagapag-ugnay ng Pagbalangkas at Pag-unlad sa Lalawigan, at Rachel Paladan bilang Patnugot ng Kalusugan sa Lalawigan.

A group of people standing in front of a door

Description automatically generated

Sa bisa ng isang Memorandum of Agreement, ganap nang isinalin ang pamamahala sa proyekto, na inaasahang mapapatakbo nang lubusan sa unang linggo ng Setyembre, taong 2023. (Impormasyon mula sa DOST-MIMAROPA)