Hindi lamang sa industriya ng tela, ipinamalas rin ang kontribusyon ng kawayan bilang materyales sa usaping pangkabuhayan sa isinagawang “KAWAYARN: The Bamboo Textiles PH” exhibit ng Department of Science and Technology-Philippine Textile Research Institute (DOST-PTRI) noong ika-21 ng Setyembre 2023.
Sa tulong ng teknolohiya, pinangungunahan ng ahensya ang programang “bamboo textile fiber extraction” o ang paggawa ng mga hibla mula sa kawayang tinik, bolo, yellow bamboo, at giant bamboo upang magsilbing pangunahing materyales ng mga tela o kasuotan.
Ayon kay DOST Assistant Secretary Dr. Napoleon K. Juanillo Jr., nilalayon din ng programa na palawigin ang benepisyo nito sa kabuhayan ng mga magsasaka at bamboo textile producers, at makapagbigay ng sapat na materyales sa tumataas na pagtangkilik sa produkto.
“This technology ensures that the resulting textile fiber retains the inherent property of bamboo, making it a true-to-form natural textile fiber. This is a direct contrast to the bamboo textile products available in the market today, where bamboo is subjected to intensive chemical reactions, including dissolution and regeneration,” ani Juanillo sa kaniyang pambungad na pananalita.
(Tinitiyak ng teknolohiyang ito na ang hibla ng tela ay mapapanatili ang likas na katangian ng kawayan, at gawing natural na hibla ng tela. Ito ay kakaiba sa mga produktong tela ng kawayan na kasalukuyang makikita sa merkado, kung saan ang kawayan ay sumasailalim sa masinsinang chemical reaction, kabilang ang dissolution at regeneration.)
Sa kasalukuyan, tatlong bamboo textile fiber innovation hub na ang naitayo sa bansa - sa Naguilian, La Union; Maragondon, Cavite; at Cauayan City, Isabela. Ang karagdagang tatlo ay nilalayong mailunsad sa mga lugar ng Lagangilang, Abra; Maramag, Bukidnon; at Alaminos, Pangasinan ngayon hanggang sa susunod na taon.
Ani Juanillo, bawat innovation hub ay kayang magbigay ng kabuhayan hanggang sa 20 pamilya at kabuuang kita mula P250,000 kada buwan hanggang P3 milyon kada taon.
“Through the program, we are provided with textile fibers that are locally developed and produced. Truly Filipino, natural, and sustainable. This unique and strategic product positioning can command higher value, having been made into a fabric that is not made anywhere else in the world,” dagdag ni Juanillo.
(Sa pamamagitan ng programa, binibigyan tayo ng mga hibla ng tela na binuo sa lokal na pamamaraan. Tunay na Pilipino, natural, at likas-kaya. Ang natatangi at madiskarteng product positioning na ito ay maaaring makapagbigay ng mas mataas na halaga, kung saan ang telang ito ay hindi pa nagagawa sa ibang parte ng mundo.)
Suporta sa lokalidad
Nagpahatid rin ng pasasalamat si G. Lope R. Bautista, presidente ng Timpuyog Dagiti Mannalon Ti Casilagan, Inc. sa Naguilian, La Union, sa ibinigay na oportunidad ng proyekto sa kanilang lokalidad.
“[Ang] DOST-PTRI ay hindi po sana magsawang tumulong sa aming organisasyon dahil ang pangarap namin, mula po sa extraction hanggang sana po sa tela ay magkaroon po ang aming organization dahil hindi lang po ang aming organization ang makikinabang kundi sa lahat po ng buong La Union,buong Naguilian, at sana po buong Pilipinas,” ani Bautista.
Ang kanilang samahan ang siyang nagpapatakbo sa unang bamboo textile fiber production innovation hub sa bansa na inilunsad sa munisipalidad ng Naguilian noong Enero 2023. Kasabay nito ang pagbabahagi sa kanila ng makinarya mula sa DOST-PTRI na ginagamit sa paggawa ng bamboo textile fiber.
Ang “KAWAYARN: The Bamboo Textiles PH Launch” ay alinsunod sa Philippine Bamboo Month na ipinagdiriwang tuwing buwan ng Setyembre kada taon.