MENU

Nagpulong ang mga pinakamatatalas na isipan sa nakalipas na 72nd Annual Convention ng Philippine Association for the Advancement of Science and Technology o PhilAAST noong 22 Setyembre  2023 sa Centennial Hall ng The Manila Hotel. Napanood rin sa Zoom at Facebook Live ang pagdiriwang na may temang “National Wealth Creation and Sustainable Development through Science, Technology and Innovation”.

Pinangunahan nila PhilAAST President at dating Kalihim ng Department of Science and Technology (DOST) na si Prof. Fortunato T. dela Peña at ng kasalukuyang Kalihim na si Dr. Renato U. Solidum Jr. ang ribbon cutting ng poster exhibits. Nagbigay rin ng kani-kanilang pananaw ang dalawa sa mga presentasyon, habang si Prof. dela Peña naman ang nagbukas ng pagpupulong at si Dr. Solidum ang nagbigay ng Keynote Message.

Kasunod ng panimulang ito ay idinaos ang paggawad ng parangal sa siyam na PhilAAST Awards at ang presentasyon ng mga highlights ng tatlong webinars na ginanap bago ang pagdiriwang - ang Strengthening Established Industries and Leapfrogging Ones, Strategies for Sustainable Wealth Creation and Inclusive Development, at STI as an Essential Factor in Sustainable Development.

Dalawang plenary lectures rin ang ginanap na may kaugnayan sa tema, hatid nina Mr. Ferdinand A. Ferrer, Chairman at CEO ng EMS Group of Companies, at NAST Academician Dr. Eufemio T. Rasco. 

Kasama sa mga namukod-tanging bahagi ng pagtitipon ang pagpiprisenta ng Best Posters na ipinasa ng mga mananaliksik ng DOST pati na rin ng ilang miyembro ng akademya. Pinangunahan ito ng PhilAAST Poster Committee Chair na si Dr. Lucille Abad. 

Itinanghal na Ikatlong Pwesto ang DOST-Industrial Technology Development Institute, Ikalawang Pwesto ang Pampanga State University, at nasungkit naman ng University of Santo Tomas ang Unang Pwesto.

Inilahad rin ni Prof. dela Peña ang kaniyang President’s Report at nanumpa naman ang mga bagong kasapi ng PhilAAST, kasama na ang ilang galing sa media, akademya, pribadong sektor, at mga industriya.

Isinara ni Ms. Luningning E.S. Domingo, Overall Chairperson ng 2023 PhilAAST Convention at Vice-President ng Division B of PhilAAST, ang pagdiriwang. (Ni Jacqueline R. Parairo, DOST-STII)