Apatnapung Persons Deprived of Liberty o PDLs sa Bureau of Jail Management and Penology-IX, Pagadian City Jail, Male Dormitory ang sumailalim sa isang araw na Livelihood Technology Training sa pagpoproseso ng fresh buko juice noong ika-14 ng Setyembre 2023.
Ang technology training kagaya nito na isa lamang sa mga teknolohiyang pangkabuhayan mula sa DOST-Industrial Technology Development Institute o DOST-ITDI ay may layong matulungang ang mga maliliit na negosyante o sa mga nagnanais maging negosyante, kabilang na ang mga PDLs, upang makapagtayo ng sarili nilang negosyo gamit lamang ang maliit na kapital.
Bukod sa pagproses ng fresh buko juice, kabilang sa pagsasanay na ito ang pag-aaral sa Food Safety at Good Manufacturing Practices o GMP upang magbigay-kaalaman sa Basic Food Hygiene at current GMP, mapamilyar sa iba’t ibang uri ng food hazards at mga sanhi ng food contamination, at kung paano masusuri ang sanitary conditions at practices ng isang negosyo na sumusunod sa mga panuntunan ng cGMP, Basic Food Hygiene, at Food Safety requirements.
Ang pagsasanay na ito ay pinangunahan ng Provincial Science and Technology Office (PSTO) sa Zamboanga del Sur kasama ang technical expert mula sa PSTO Zamboanga Sibugay na si Bb. Jeyzel P. Aparri.
Ang nasabing programa ay bilang pagsuporta sa Skills Training and Enhancement Program ng BJMP upang mabigyan ng kaalaman ang mga PDLs sa pag-uumpisa ng sarili nilang negosyo kung sila ay makalaya na. Ang pagsasanay na ito ay may layunin ding makapagbigay ng pangkabuhayan sa mga PDLs sa kanilang paglaya at muling pagsama sa lipunan bilang produktibong indibidwal.(Impormasyon mula sa PSTO-Zamboanga del Sur)