MENU

Sa pamamagitan ng “SalikLakbay” na bahagi ng Grassroots Innovation for Inclusive Development (GRIND), natukoy ng DOST-Regional Office IX (DOST-IX) ang mga proyekto na dapat ipanukala sa pagpapalawig ng inobasyon sa liblib na komunidad ng Western Mindanao.

Nagkaroon ng dalawang araw na programa ang DOST-IX na pinamagatang “SalikLakbay Solutions Mapping Trainer's Training” na ginanap sa Dipolog City, Zamboanga del Notre, kamakailan. Sa unang araw isinagawa ang pagsasanay at sa pangalawang araw naman isinagawa ang community immersion.

Matapos ang dalawang araw na programa, napagpasyahan na magkaroon ng iba’t ibang proyekto sa komunidad kagaya ng paghahabi, paggawa ng rice cake, paggawa ng bamboo-made trays at cups para sa rice cake, paggamit ng rice grinder machine, at paglikha ng ethnobotanicals na kanilang kinikilala bilang pangunahing panlusas sa mga sakit. 

Kinilala bilang “SalikLakbayers” ang mga dumalo sa programang ito, kung saan nagkaroon sila ng masusing pag-aanalisa upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga Pilipinong nasa laylayan sa pamamagitan ng paglulunsad sa mga naimungkahing proyekto.

Bago pa man isagawa ang programang ito, nagkaroon na ng pagsisiyasat ang DOST-IX kasama ang lokal na pamahalaan sa mga lugar na nasasakupan ng bayan ng Dipolog, kung saan napagpasyahan nilang maging pilot area sa pagpapatupad ng programa ang Sitio Pamansalan sa Baranggay Diwan na kilala bilang isang liblib na komunidad.

“Nakita namin ang potensyal na makapaglunsad ng mga produktong pang-inobasyon sa nasabing komunidad. Sa tulong ng programa ng DOST-GRIND, maipakikita natin sa mga Pilipinong nasa laylayan na posible ang pagpapaunlad at pagpapalakas ng kanilang komunidad,” mungkahi ni Provincial Director Nuhman Aljani ng Provincial Science and Technology (PSTO) sa Zamboanga del Norte.

Nagmula ang “SalikLakbay” sa pinaghalong dalawang salita na “saliksik” at “lakbay”, kung saan literal itong nangangahulugan sa pagsasaliksik at paglalakbay. Naglalayon ang aktibidad na ito na matukoy ang mga pangangailangan at oportunidad na maaaring ibahagi sa grassroots area, gayun na rin ang paghanap ng solusyon sa kasalukayang isyu sa kanilang komunidad.

Naging pangunahing tagapagsalita ng programa sina Social Innovation Analyst Juan Gabriel Daray ng United Nations Development Programme Accelerator Labs at Engineer Ian Dave Corteza ng Innovation-Support Section, R&D for Development and Innovation Division.

“Nagsisilbing daan ang programang ito upang makita namin ang konteksto, kultura, at emosyon na tinataglay ng mga tao sa isang lugar. Sa paraang ito, nag-iiba ang aming tingin sa kalagayan ng mga tao mula sa pagiging demographics to psychographics,” ani ni Daray. 

Naging parte rin ng programa ang solutions mapping reports na nagbigay ng pagkakataon sa mga SalikLakbayers upang magbahagi ng mga ideya kung paano nila paiigtingin ang mga produktong pang inobasyon para magkaroon ng progreso sa komunidad. Dito rin naanalisa ang posibleng epekto ng mga iminungkahing proyekto pang inobasyon sa komunidad.

 Ayon naman kay Engr. Corteza, malaki ang naitutulong ng inobasyon sa pagkakaroon ng modernisasyon sa isang komunidad. Pinapahiwatig nito na hindi dapat ipagsawalang-bahala ang pagpapatupad ng inobasyon sa grassroots area sapagkat mayroon itong kinalaman sa kalagayan ng heograpikal at kultural na katangian ng lipunan.

Mula sa pamumuno ng DOST-IX, dinaluhan ng iba’t ibang PSTOs sa Zamboanga del Norte ang SalikLakbay kasama ang kanilang pentahelix partners. Nakiisa rin sa programa ang iba’t ibang DOST-IX GRIND project teams mula sa Zamboanga del Norte, Zamboanga del Sur, Zamboanga Sibugay, at City Science and Technology (S&T) Center ng Zamboanga at Isabela.(Ni Rhea Mae B. Ruba, DOST-STII )