MENU

Hinikayat ni Department of Science and Technology (DOST) Secretary Renato U. Solidum ang mga Pilipino na pangalagaan ang mga korales at bakawan sa mga karagatan upang pagtibayin ang food security at marine ecosystem sa bansa.

Ang mensahe ng kalihim ay kaugnay ng ulat ng mga pagkasira ng mga bahura sa West Philippine Sea noong buwan ng Setyembre.

“Bukod sa issue ng teritoryo, isa pang usap-usapan kaugnay sa West Philippine Sea ang ulat ng patay at durog-durog na corals na sumambulat sa Philippine Coast Guard nitong nakaraang buwan. Ang balitang ito, hindi lang banta sa usapin ng food security o hanap-buhay ng mga mangingisda, kundi maging ang seguridad mula sa banta ng malakas na alon o tsunami,” ani Solidum  sa kanyang mensahe na ipinalabas ng DOSTv ika-14 ng Oktubre 2023.

Kinumpirma ng Philippine Coast Guard ang pagkasira ng mga coral reef sa Rozul Reef at Escoda Shoal na bahagi ng pinag-aagawang teritoryo ng West Philippine Sea, na maaaring dulot ng mapanirang aktibidad ng mga Chinese militia vessel.

Sa nakaraang budget hearing ng DOST sa Senado noong ika-21 ng Setyembre 2023, ipinahayag din ni Sen. Francis Tolentino ang pangamba sa nasabing isyu, partikular na ang epekto nito sa mga parating na kalamidad.

Ayon sa kalihim ng DOST, nagsisilbing natural barriers ang mga bahura sa malalakas na alon at tsunami, ngunit dahil mas maliliit ang bahura na matatagpuan sa bansa, “hindi ganoon kalaki ang epekto nito sa usapin ng seguridad mula sa mga alon o tsunami” katulad ng nagagawa ng mga bakawan.

“Bagama’t hindi ganoon kalaki ang epekto nito sa usapin ng seguridad mula sa mga alon o tsunami, malaki naman ang papel ng korales sa usapin ng food security, marine ecosystem, at livelihood nating mga Pilipino,” dagdag niya.

Ipinaliwanag ni Solidum na bago pa man mangyari ang pagkasira ng korales sa West Philippine Sea, nailunsad na ng DOST ang programang Automated Rapid Reef Assessment System kung saan pinag-aaralan ang mga lokasyon at lawak ng mga bahura sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.

Mayroon ding coral restoration program ang bansa upang isalba ang mga nabuwal na buhay na korales gamit ang mga coral nursery unit.

Ani Solidum, nakapagpatayo na ang programang ito ng 538 coral nursery unit at nakapagtransplant ng higit 487,158 na coral fragments.

“Hindi tayo titigil sa adbokasiya at misyong ito na mailigtas at buhayin ang coral ecosystem hindi lang sa West Philippine Sea, ngunit sa lahat ng karagatan sa Pilipinas. Maging bahagi tayo ng solusyon sa pangangalaga ng ating mga bahura at ipagtanggol ang mga coral at bahura ng PIlipinas para sa mas ligtas na PIlipinas, para sa mas mayaman na karagatan,” pag-anyaya niya. (Ni Kristine Erika L. Agustin, DOST-STII)