Kabilang ang Science at Math sa mga itinuturing na favorite subjects ng mga senior high students sa buong Pilipinas, ayon sa pag-aaral ng DOST- Science Education Institute (SEI) noong 2022. Ngunit, napag-alaman din na marami ang nahihirapang intindihin ang mga inaaral sa nabanggit na mga asignatura.
Sa katunayan, pumangalawa ang Pilipinas sa may pinakamababang Science and Math Literacy ayon sa performance evaluation ng mga Pilipinong estudyante edad 15 sa Programme for International Student Assessment noong 2018.
Ayon naman sa 2022 Global Innovation Index, bumaba ng 4% ang nagsipagtapos ng Science and Engineering courses kumpara sa nakalipas na dalawang taon. “Maybe we got lost in translation”, ika nga sa kanta ni Taylor Swift, tila may agwat sa kaalaman ng lengguwahe sa Siyensya at Matematika.
“May lighter side din pala ang Science,” ani Kent Venturanza na isang STEM student ng Anilao National High School na dumalo sa “Mathsaya Magdrawing” session na isinagawa sa nuLab Science bus sa Anilao, Northern Ilo-Ilo noong 2022.
Ayon kay Kent at iba pa niyang kasamahan, masaya nilang natutunan ang GeoGebra at pagguhit ng parametric curve sa MS Excel sa “Mathsaya Magdrawing” session ni Dr. Jomar Rabajante, Dean ng University of the Philippines Los Banos Graduate Studies at Dr. Ariel Babierra, na propesor din ng parehong pamantansan.
Ang “nuLab” Science bus ay isang naglalakbay na pasilidad na ginagamit upang ituro sa makabagong pamamaraan ang mga iba’t-ibang aralin sa Siyensya at Matimatika. Ginagamit din ito upang ipalaganap ang #Push4Science campaign para ipaalam sa mga estudyante ang oportunidad sa DOST undergraduate scholarship program at iba pang DOST flagship programs na maaari nilang salihan.
Photo source: ExpertTalk
Sa loob ng nuLab ay mayroong interactive board na malayang maikikilos ang mga bagay na isinusunulat at maaari ding gumuhit at magkulay. Mayroon ding mga individual monitors na magagamit para sa hands-on activities, kagamitang laboratoryo para sa mga experiments, wireless sensors, at iba pang mga modernong kagamitan na makapagbibigay ng hindi lalayo sa makatotohanang karanasan sa mga aralin.
Gamit ang Science bus na ito, matuturuan ang mahigit 24 na estudyante at kayang magsagawa ng dalawang sessions kada araw. Tumatagal ang bawat session ng tatlong oras. Ginawa rin ang nuLab upang maabot ang mga batang nag-aaral mula sa mga 4th at 5th class municipalities na walang sapat na kagamitan at pasilidad pang-laboratoryo.
“Ang goal namin sa nuLab ay matanggal yung stigma na ang Math at Science ay mahirap,” saad ni Ginoong Kemuel Quindala III sa kanyang panayam sa ExpertTalk. Siya ay isang Math expert at former DOST scholar na nagtuturo ng Math lessons sa nuLab.
“It can be fun! Just like any other skills weather sa music or sports, sa umpisa mahirap but then what you have to do is practice. Siguro yung takot samahan nila ng curiosity. Lastly, do not hesitate to ask for help,” payo ni Qindala III sa mga estudyante sa pag-aaral ng Math lessons.
Upang makuha ang tamang sagot, dapat munang alamin ang dahilan ng mga hakbang nakailangan pagdaanan sa solution, sabi ng guro. Dadag pa niya, maraming mga problema sa mundo na kailangan ang mga numerong solusyon kaya naman makabuluhan ang pag-aaral ng Siyensya at Matimatika.
Samantala, nakapaloob sa Science Teacher Academy for the Regions (STAR), programa ng DOST-SEI, ang pagsasanay sa mga guro at propesor ng STEM sa epektibong pagtuturo ng kontexto ng mga aralin sa Siyensya at Matematika sa lokal na lengguwahe at katutubong pamamaraan.
Ayon kay SEI Director Dr. Josette Biyo, dapat maging malikhain sa paggamit ng kapaligiran at lokal na pagkukunan upang maengganyo ang mga mag-aaral na pairalin ang kanilang pag-iisip sa pagtuklas ng mga bagay-bagay.
Maaaring makipag-ugnayan sa DOST-SEI ang mga paaralan para sa serbisyo ng nuLab sa pamamagitan ng pagsumite ng kasulatan sa kanilang email: This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.. (Ni Caryl Maria Minette I. Ulay, DOST-STII )