Naging katuwang ng DOST-Regional Office No. VIII (DOST-VIII) at Provincial Science and Technology Office (PSTO) - Northern Samar ang Provincial Government of Northern Samar (PGNS) sa paglulunsad kamakailan ng programa ng Innovation, Science, and Technology for Accelerating Regional Technology-Based Development (iSTART) sa Northern Samar, na idinaos sa Sumuroy Hall, Provincial Capitol, Catarman.
Ayon kay Atty. Efren Sabong, Provincial Administrator ng Northern Samar, mahalaga ang paglapat ng siyensya, teknolohiya, at inobasyon (STI) sa pagpapa-unlad ng mga proyekto at programa ng kanilang pamahalaang panlalawigan kaya naman taos-puso nitong tinatangkilik ang programa ng iSTART sa pamahalaang panlalawigan ng Northern Samar.
Pinahayag naman ni Marilyn Radam, Assistant Regional Director ng DOST-VIII, ang kahalagahan ng pagsuporta ng lokal na pamahalaan na siyang nagkakaroon ng malaking gampanin sa pagpapatupad ng programa ng iSTART sa bawat lalawigan, gaya na lamang ng pagtulong ng PGNS sa pagsasagawa ng oryentasyon at konsultasyon sa mga naimbitahang stakeholders sa Northern Samar.
Iminungkahi rin ni Radam sa mga dumalong stakeholders na layunin ng iSTART na masuportahan ang geographic development ng bansa sa pamamagitan ng pagpapaunlad sa STI ng rehiyo, alinsunod sa DOST-PLANADES (UP Planning and Development Research Foundation, Inc.) Development Program.
Sa paglunsad ng iSTART, nagkaroon din ng dalawang workshop session ang mga stakeholders. Layunin ng unang workshop na malaman ang kasalukuyang ideya ng mga ito sa STI habang ang ikalawa ay inasam na matukoy at masuri ang pangangailangan ng mga ito sa STI para sa kanilang probinsya.
Samantala, upang mailapat nang wasto ang programa ng iSTART sa Northern Samar, ibinahagi ni Joanna Marie Marquez, coordinator ng Four Development Cluster para sa Good Governance at Institutional Development Cluster, ang Northern Samar Development Framework, pati na rin ang Status of the Provincial Development and Physical Framework Plan (PDPFP) at ang Comprehensive Land Use Plan (CLUP).
Saad ni Marquez, sa pangunguna ni Northern Samar Governor Edwin Ongchuan, nananatiling aktibo at determinado ang PGNS sa pagsubaybay sa kanilang PDPFP at tinitiyak din nila na nakikiisa ang 24 na munisipalidad sa kanilang pamahalaang panlalawigan sa pag-abot ng zero-backlog para naman sa CLUPs.
Nagsisilbing mahalagang pundasyon sa pagkamit ng pangmatagalan kaunlaran para sa lalawigan ang pagbuo ng PDPFP at CLUP, kung saan mayroong mahalagang papel ang mga planong ito sa pagpapabuti ng pangkalahatang kalidad ng buhay ng mga Nortehanons na siyang hangarin din ng programa ng iSTART. (Ni Rhea Mae B. Ruba, DOST-STII)