Ano-ano ang mga balak mong ihanda sa Pasko? Malamang ay nasa listahan na siguro ang litson, salad, o hindi kaya ay pasta. Ngunit, alam ba ninyo na may mga masustansya at murang recipe para sa Noche Buena?
Matakam at matuto sa ‘Sustansyarap’ serye na hatid ng Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute o DOST-FNRI at DOSTv!
Tampok sa ‘Sustansyarap’ ang mga recipe na masusing pinag-aralan ng mga registered nutritionist-dietician ng DOST-FNRI na ibinibida ang mga alternatibo, masustansya, at abot-kayang pagkain na pwedeng ihanda sa Noche Buena at pupwede ring baunin sa trabaho man o eskwela.
“Dito sa Sustansyarap, malalaman ng mga manonood kung paano lutuin at gawing mura at locally available ang mga handa sa Noche Buena, gaya na lamang ng pesto pasta na nakukuha lamang ang mga sangkap sa palengke at maging sa taniman natin sa bakuran,” patikim ni Ginoong Erene Arnejo, nutritionist-dietician ng DOST-FNRI sa kanyang panayam sa DOSTv.
Imbes na macaroni, maaring gamitin ang patatas sa salad dahil mayaman ito sa vitamin C dagdag ni Arnejo. Nais maibahagi ng programa na hindi kinakailangang puro mga “unhealthy” o matataba at matatamis na pagkain ang maihahanda sa holiday season. At higit sa lahat, hindi kakailanganing gumastos nang malaki.
Ayon sa Office for National Statistics (ONS), nasa 4.6% ang inflation rate ng Pilipinas noong Oktubre 2023. Bagama’t mas bumaba ito kumpara sa 6.7% noong Setyembre 2023, ramdam pa rin ang mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo sa buong bahagi ng bansa. Inaasahan din ang pagtaas ng presyo ng ilang bilihin dahil sa demand lalo na sa darating na pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.
“Inaanyayahan namin kayo sa pagsasalo ng kaalaman patungkol sa nutrition tips at trivia habang itinuturo namin kung paano lutuin ang mga healthy recipes na maaari ninyong ihain sa darating na kapaskuhan,” paanyaya ni Ginoong Arnejo.
Bukod sa seryeng ito, ibinibida rin ng DOST-FNRI ang abot-kayang pagdidiyeta sa kanilang mga pagkaing produkto at mga nadebelop na materyal gaya ng Menu Guide Calendar upang maging maalam ang mga Pilipino, hindi lamang sa araw at petsa, kung hindi pati na rin sa masustansya at swak sa budget na mga Pinoy recipe na gugustuhin ng mga bata at matatanda.
Naglalaman din ang kalendaryo ng mga impormasyon sa nutrisyon kada serving ng mga putahe at iba pang kapana-panabik na impormasyon tungkol sa Pinggang Pinoy, at pag-eehersisyo. Maaaring makakuha ng elektronikong kopya ng mga Menu Guide Calendars sa link na ito: https://www.fnri.dost.gov.ph/index.php/39-tools-and-standard/fnri-menu-guide-calendar/49-fnri-menu-guide-calendar.
Subaybayan ang nakakatakam na Healthy Christmas Menu sa Sustansyarap! Mapapanood ito sa DOSTv FB page (https://www.facebook.com/DOSTvPH) at PTV4 tuwing Martes (Tuesday) 8:00 AM na nagsimula noong ika-21 ng Nobyembre 2023. (By Caryl Maria Minette I. Ulay, DOST-STII)