Pitumpu’t dalawang magsasaka, mga sangay ng gobyerno, kooperatiba, consultant, at non-government organization ang nagtipon kamakailan sa Mardale Hotel and Convention Center sa siyudad ng Pagadian upang mapalago ang industriya ng Agarwood sa bansa.
Ang pagtitipon, na may pamagat na Agarwood Forum: Advancing the Agarwood Industry in Zamboanga Peninsula, ay kauna-unahan sa Mindanao na may layong pabilisin ang mga inisiyatibo at inobasyon ng mga ahensya upang mapalago ang industriya ng Agarwood sa bansa.
Ang naturang forum ay inorganisa ng DOST IX-Provincial Science and Technology Office sa Zamboanga del Sur sa pakikipagtulungan ng DOST-Forest Products Research and Development Institute (DOST-FPRDI) at ng Agarwood Growers and Producers Cooperative of CALABARZON (AGPC-R4A).
Ito ay dinaluhan ng mga kasapi mula sa Mindanao Development Authority, Department of Environment and Natural Resources, Cooperative Development Authority, Department of Trade and Industry, National Economic and Development Authority, Provincial Local Government, at farmer-enthusiasts mula sa Zamboanga del Sur, Zamboanga Sibugay, Misamis Occidental, Davao, at rehiyon ng CARAGA.
Ang pagsasaka ng Agarwood ay isa sa mga umuusbong na industriya sa Pilipinas. Ang paglinang at paggamit ng Agarwood ay nakikitaan ng malaking potensiyal para sa pag-unlad ng ekonomiya, pagpapanatali at pangangalaga ng kalikasan, at pagpapalakas ng mga komunidad sa ilan sa mga rehiyon sa bansa.
Dagdag pa rito, lumagda ang DOST-FPRDI at ang AGPC-R4A ng isang kasunduan na magdaos ng pananaliksik tungkol sa paggamit ng Aquilaria malaccensis sa bansa. Ang kolaborasyon at pananaliksik na ito ay may layong i-dibelop ang BARI Leaf Tea.
Ang pagtitipon ay sinundan naman ng pagbisita sa sakahan sa Betinan, San Miguel, Zamboanga del Sur. Ang mga grupo ay nakapagpalitan ng kaalaman, kadalubhasaan, at ilang pamamahalang kultural kabilang na ang mga best practices sa produksyon ng Aquilaria malaccensis na tinatawag sa lokal na pangalang “Bari”.
Kabilang sa mga dumalo sa aktibidad ay ang mga technical experts mula sa DOST-FPRDI sa pangunguna ni Deputy Director Dr. Rico J. Cabangon kasama sina For. Florena B. Samiano at Kimberly M. Delica mula sa FPRDI Material Science Division, at ilang mga technical personnel mula sa DOST IX. Kabilang rin sa mga dumalo ay sina US Senator Marcel Camacho at Agarwood Zamboanga Agriculture Cooperative Chairperson Edgar Allan Monreal.
Ang Forest Products Research and Development Institute ay isa sa mga Research and Development Institute (RDIs) ng Department of Science and Technology na may layong magsagawa ng pananaliksik tungkol sa mga wood and non-wood forest products. (By Carl Miguel A. Lusuegro, DOST-STII)