Naging matagumpay ang pagdiriwang ng Department of Science and Technology (DOST) ng 2023 National Science,Technology, and Innovation Week (NSTW) na ginanap sa unang pagkakataon sa labas ng Metro Manila sa lungsod ng Iloilo mula ika-22 hanggang 26 ng Nobyembre 2023.
Naging pokus ng pagdiriwang na may temang “Siyensya, Teknolohiya, at Inobasyon: Kabalikat sa Matatag, Maginhawa, at Panatag na Kinabukasan” ang iba’t ibang mga pananaliksik at mga produkto at serbisyo mula sa iba’t ibang ahensya ng departamento at ng buong komunidad ng agham sa bansa, partikular na ang mga may kinalaman sa “blue economy” or industriya sa karagatan - ang buhay sa dagat at pag-iingat dito.
Ang “blue economy,” ani DOST Secretary Renato U. Solidum, Jr., ay isa sa labingdalawang operational areas sa Pagtanaw 2050, na 30-year strategic plan ng National Academy of Science and Technology na siyang advisory body ng DOST. Kabilang sa mga sektor na pagtutuunan ng pansin ng ahensya ay ang industriya ng pangisdaan, paggawa ng barko, transportasyong pang-dagat, at nababagong enerhiya.
Dagdag pa niya, ang pagdaraos ng NSTW sa Iloilo City ngayong taon ay pagpapakita ng pagpapahalaga ng kagawaran sa paghahatid ng mga produkto at serbisyo na magsulong ng sama-samang pag-unlad - sa pamamagitan ng paglikha ng marami pang kabuhayan at trabaho sa industriya sa karagatan para sa mga Pilipino lalo na yaong nasa mga malalayong lugar.
Ito rin ay hudyat ng simula ng pagdadala ng NSTW sa iba’t ibang probinsya sa bansa sa mga susunod na taon upang bigyang pansin ang mga ‘homegrown’ na siyentista at mga mananaliksik mula sa mga state universities and colleges na nagsasagawa ng iba’t ibang inisyatibo upang tugunan ang mga suliranin sa iba’t ibang sektor.
Dinaluhan ng publiko ang pangunahing eksibit, S&T fora at techno-demonstration sa Iloilo Convention Center habang ang iba naman ay nagpunta M/V Capt. John B. Lacson para sa Lawud Marine S&T Exhibits at sa National Museum Western Visayas para naman sa Hinabul: Fibers and Textiles S&T Exhibits.
(Teksto mula kay Rosemarie C. Señora at mga larawan mula kay Henri A. de Leon, DOST-STII)