MENU

A group of people wearing white lab coats

Description automatically generated

Ipinakilala ng Department of Science and Technology (DOST)-CALABARZON sa pamamagitan ng Provincial Science and Technology Office (PSTO)-Rizal ang programang Teknolohiya at Inobasyon Kaagapay ng Micro Enterprises o TIKME sa selebrasyon ng Higantes Festival kamakailan na ginanap sa Baranggay San Vicente, Angono, Rizal.

Maituturing ang TIKME bilang isang inisiyatiba ng DOST-CALABARZON sa pagtatayo ng food tasting bazaar ng mga Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs), kung saan binibigyan ang mga ito ng pagkakataon na maipakilala sa publiko ang kanilang mga produkto na nabuo sa tulong ng makabagong teknolohiya.

Sa panimulang seremonya, ipinaliwanag ni PSTO-Rizal Provincial Director Fernando E. Ablaza na hango sa salitang Batangueño ang TIKME na kapag isinalin sa Tagalog nangangahulugan ito bilang tikman.

“Ito na ang pagkakataon na matikman at tangkilikin ang sariling atin na mga produkto na makikita sa exhibit ng TIKME nang sa gano’n ay makatulong tayo sa ating mga negosyante sa bansa, lalo na sa bayan ng Angono, Rizal,” saad ni Provincial Director Ablaza.

Samantala, kinatawan ni DOST-Science and Technology Information Institute (DOST-STII) Director Richard P. Burgos si DOST Secretary Renato U. Solidum Jr., kung saan ipinabatid nito ang kahalagahan ng siyensya, teknolohiya, at inobasyon sa pagpapabuti at pagpapaunlad ng buhay ng mga Pilipino.

Binanggit din ni DOST-STII Director Burgos ang iba pang proyekto ng DOST, tulad ng Small Enterprises Technology Upgrading Program (SETUP) at Grants-In-Aid Community-Based Project (GIA-CBP) na nakatutulong sa hanapbuhay ng mga Pilipino.

“Sa siyensya at teknolohiya, negosyo tiyak kikita. Sa siyensya at teknolohiya, industriya a-arangkada. Sa siyensya at teknolohiya, buhay natin ay gaganda,” ani ni DOST-STII Director Burgos.

Sa anim na araw na selebrasyon, labingsiyam (19) na MSMEs sa probinsya ng Rizal na tinutulungan ng DOST ang nakiisa sa nasabing programa ng TIKME na naglalayong ipagmalaki ang lokal na negosyo at produkto sa publiko.(Ni Rhea Mae Ruba, DOST-STII)