MENU

Buena mano ang Department of Science and Technology (DOST) Day Care Center (DDCC) sa inisyatibo ng National Book Store (NBS) Foundation na maglunsad ng mga learning center sa mga ahensya ng gobyerno sa bansa.

Noong pandemya kung kailang natigil ang pagpasok ng mga bata sa paaralan ay naisip ng NBS Foundation na magtayo ng mga learning center sa mga opisina ng gobyerno upang patuloy pa ring makapagbigay ng tulong sa mga bata sa kanilang pag-aaral.

The DOST Day Care Center will be transformed into a highly conducive learning facility for children,” ani Bea Andrea A. Torres, direktor ng NBS Foundation sa isinagawang kick-off ceremony ng pagtutulungan ng DOST at NBS noong ika-15 ng Disyembre 2023 sa DDCC sa Bicutan, Taguig City.

Nais din ng NBS Foundation na sa pamamagitan ng handog nila sa DOST, tuloy-tuloy ang pag-unlad ng edukasyon sa bansa. 

Sa pamamagitan ng foundation ng NBS na siyang pinakamamalaking bookstore at supplies store sa bansa, magkakaroon ng mga libro, mga gamit sa pag-aaral, bagong pintura, at mga kagamitan ang DDCC upang maging mas kaaya-aya ito sa paningin at pag-aaral ng mga bata.

Ibinahagi ni DOST Undersecretary for Regional Operations, Engr. Sancho A. Mabborang na matagal nang katuwang ng programa ng ahensya na Community Empowerment through Science and Technology o CEST ang NBS Foundation kaya’t ganoon na rin ang pasasalamat niya sa pagbibigay nito ng mga libro at school supplies pati na rin sa malalayong komunidad sa bansa.

A group of people holding up posters

Description automatically generated

Sina DOST Asec. Diana L. Ignacio (pangatlo mula sa kaliwa) at si NBS Foundation Director Bea Andrea A. Torres (gitna) hawak-hawak ang perspektibo ng disenyo para sa DOST Day Care Center. Kasama nila (mula sa kaliwa) sina DOST-STII Director Richard P. Burgos, DOST Usec. Sancho A. Mabborang, volunteers mula sa Bayan Ni Juan, at si DOST Planning and Evaluation Service Director Cezar R. Pedraza.

 

Samantala, nagpaabot rin ng pasasalamat si DOST Assistant Secretary for Administrative and Legal Affairs at siyang Gender and Development Focal Person ng DOST si Dr. Diana L. Ignacio sa Oishi at Bayan ni Juan advocates para sa pakikipagtulungan nito sa DOST at sa mga meryenda at regalong notebook ng mga ito sa mga estudyante ng Daang Hari Elementary School at iba pang dumalo sa programa. 

Hangad rin ni Asec. Ignacio na ang mga magtatapos sa DDCC ay magkaroon ng interes na pumasok sa mga karerang may kinalaman sa agham at teknolohiya.

A person singing into a microphone

Description automatically generated

Naghandog ang National Book Store Foundation kasama ang Bayan ni Juan at DOST ng mga meryenda at notebook para sa mga mag-aaral ng Daang Hari Elementary School.

 

Naitayo ang DDCC noong ika-1 ng Agosto 1997 sa bisa ng Executive Order No. 340, 1997 na nag-utos sa mga ahensya ng gobyerno pati na rin sa mga korporasyong pagmamay-ari at kontrolado ng gobyerno na magbigay ng serbisyo para sa pangangalaga ng mga anak ng mga empleyado nito na hindi hihigit sa limang taong gulang.

Layunin nito na magbigay ng mataas na kalidad ng edukasyon na may sensitibong pagtingin sa kasarian ng bawat indibidwal sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga magulang upang masiguro na matututo at lalaki ang mga bata sa isang masaya at ligtas na kapaligiran, at magsilbi itong matibay na pundasyon ng habambuhay na pagkatuto at tagumpay sa buhay. 

Mula noon, marami nang bata ang grumadweyt sa DDCC na may sapat na karunungan upang makatuntong ng elementarya.

Pansamantalang natigil ang operasyon ng DDSS nang tatlong taon simula ng pandemya na nagbigay naman ng daan upang maipaayos ang pasilidad. Muli itong binuksan noong ika-13 ng Hunyo 2023 kasabay ng ika-65 na anibersaryo ng departamento. 

Sa pakikipagtulungan sa NBS at sa iba pang stakeholders, handa na muli ang pasilidad na salubungin at bigyan ng masayang karanasan sa pag-aaral ang mga bata. (Ni Rosemarie C. Senora at impormasyon mula kay Carl Miguel A. Lusuegro, DOST-STII)