MENU

 

412640124_760328556134870_2375575677788612320_n

Nagsagawa ang Department of Science and Technology Region XII (DOST-XII), sa pakikipagtulungan sa Ministry of Trade, Investment, and Tourism of the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MTIT-BARMM) ng pagsasanay sa ilalim ng Rural Agro-Enterprise for Inclusive Development (RAPID) Growth Project para sa mga magsasaka ng niyog at kape sa BARMM.

Ang pagsasanay na pinamagatang Training on Product Development cum Food Packaging and Labelling Design with Nutritional Facts for Coconut and Coffee Enterprises and Growers Organization ay ginanap noong ika-18 hanggang 19 ng Disyembre 2023 sa Cotabato City. 

Bukod sa pangunahing layon na mapaunlad ang kakayahan ng mga naturang magsasaka, layunin din ng pagsasanay na palakasin ang pagtutulak ng pagdebelop ng agro-enterprise at ugnayang rehiyonal nang sa gayon ay maisulong pa ang masinsinang pagsisikap upang maitaguyod ang kahusayan at pakikipagkumpetensiya ng lokal na merkado.

412551051_760328786134847_1712830758466346011_n

Sa nasabing pagsasanay, nagsagawa ang mga miyembro ng DOST-XII ng iba’t ibang sesyon na nagbabahagi ng importansya ng Product Development, Basics of Food Hygiene (BFH), Coconut-based Products Processing, Food Packaging, and Labelling Design with Nutritional Facts. Kasabay din nito ang pagpapakilala ng iba’t ibang inisyatibo sa agham, teknolohiya, at inobasyon na maaaring magamit ng mga magsasaka at prodyuser ng niyog at kape.

Sa mensahe ni DOST-XII Regional Director Engr. Sammy P. Malawan na inihatid ni Sapia S. Uka na regional focal person ng DOST-XII Training Program, binigyang-diin niya ang pangangailangang umangkop sa mga hindi maiiwasang pagbabago sa pamamagitan ng agham, teknolohiya, at inobasyon. 

Sa gitna ng tagpuan ng tradisyon at transpormasyon, idinagdag niyang mahalaga na ang walang kapares na kontribusyon ng mga ito para sa pag-unlad ay makilala at mabigyan ng pansin.

“Sama-sama, let us foster innovation and pave the way towards a brighter, resilient, empowered, sustainable, and transformative future for Mindanao,” aniya sa kanyang mensahe.

412629244_760328969468162_1764973527879101341_n

Ang dalawang araw na pagsasanay ay nilahukan ng iba’t ibang micro, small, at medium enterprises at mga magsasaka ng niyog at kape mula sa BARMM Area. (Ni Carl Miguel A. Lusuegro, DOST-STII)