Sa pagsisimula ng taong 2024, muling ipinaalala ng Department of Science and Technology o DOST ang importansya ng pagkakaroon ng synchronized timepieces o iisang oras lamang sa lahat ng relo at orasan sa buong Pilipinas.
Ayon sa DOST, layunin ng pagdiriwang na ipaalala na mahalaga ang respeto at paggalang sa oras ng iba, lalo at ito ang isa sa pinakamahalagang pundasyon ng lahat ng gawain tulad ng pag-aaral, pagta-trabaho, o pagnenegosyo na makatutulong upang umunlad ang bansa.
Ito ay bahagi ng pagdiriwang ng National Time Consciousness Week o NTCW mula ika-1 hanggang 7 ng Enero 2024 na may temang “G na G! Oras Pinas para sa Bagong Pilipinas” na dinisenyo upang mahikayat lalo na ang mga kabataan na makita ang kahalagahan nito ngayon pa lamang at sa gayon ay makatulong sa kanila sa hinaharap.
PhST Act of 2013
Ang adbokasiya upang isulong ang pagsunod sa tamang oras ay alinsunod sa Republic Act No. 10535 o The Philippine Standard Time (PhST) Act of 2013.
Sa ilalim ng batas, inuutusan ang mga ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan, pati na rin ang mga broadcasting companies na sumunod at i-display ang PhST sa kani-kanilang mga opisina. Ito ay para masiguro na nagkakaisa ang lahat sa layuning makapaghatid ng maayos at nasa oras na serbisyo.
Inatasan din ang DOST-Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) bilang opisyal na timekeeper o taga-bantay ng oras sa bansa.
Taong 2011 nang simulan ito bilang isang adbokasiya sa ilalim ng “Juan Time” at na-rebrand naman ito dalawang taon na ang nakararaan at naging “Oras Pinas” upang isulong ang bagong kulturang Pinoy na pagkakaroon ng iisa at tamang oras bilang isang bansa.
Maaaring i-sync ang inyong mga relo at orasan at kunin ang opisyal na Oras Pinas sa DOST-PAGASA website (http://bagong.pagasa.dost.gov.ph/).
Para naman sa iba pang balita ukol sa Oras Pinas Campaign, mangyaring bisitahin lamang ang opisyal na Facebook Page ng DOST Philippines: https://www.facebook.com/DOSTph. (Rosemarie C. Senora, DOST-STII)