MENU

Binisita ng kalihim ng Department of Science and Technology (DOST) na si Dr. Renato U. Solidum, Jr. ang tatlong proyekto ng Small Enterprise Technology Upgrading Program o SETUP sa rehiyon ng Ilocos. 

Ito ay sa paanyaya ng DOST Regional Office 1 (DOST-I) upang ipakita ang mga pagbabagong nangyari matapos na makatanggap ng teknikal at teknolohikal na suporta mula sa DOST. Ito rin ay para ipakita ang magagandang benepisyo ng agham, teknolohiya, at inobasyon sa pagpapaunlad ng operasyon ng mga negosyo.

Kasama ni Sec. Solidum, Jr. sina DOST Assistant Secretary for Development Cooperation Rodolfo J. Calzado Jr. at Undersecretary for Research & Development Dr. Leah J. Buendia. Kasama rin nila ang iba’t ibang kinatawan mula sa iba pang dibisyon ng DOST tulad ng Special Projects Division, Research and Development, Financial Management Services Division, Administrative and Legal Services Division, at ng Commission on Audit.

Sinalubong naman sila ng mga opisyal at empleyado ng DOST-I sa pangunguna ni DOST-I Regional Director Dr. Teresita A. Tabaog. Kasama rin nila si DOST-I Assistant Regional Director for Field Operations Decth-1180 P. Libunao, Provincial Science and Technology Office (PSTO)-La Union Provincial Director Jonathan M. Viernas, PSTO-Pangasinan Provincial Director Engr. Arnold C. Santos, Supervising SRS Engr. Edison M. Acosta, at Supervising SRS Engr. Bernadine P. Suniega.

Unang binisita ng grupo ang Safetech by Modulhaus Inc. sa Agoo, La Union na nagpakita ng kakayahan nito na lumipat mula sa tradisyonal na produksyon papunta sa makakalikasang produksyon ng three-ply surgical face mask. Ibinida ng negosyo ang pagiging inobatibo at pagganap sa social responsibility bilang isang benepisyaryo ng SETUP.

Sunod naman sa mga binisita ay ang JC Laroco Rice Mill na matatagpuan sa Tubao, La Union.

Nakatapos na ito sa unang assistance noong 2016 at kasalukuyang nasa ikalawang yugto ng SETUP 2021. Sa pamamagitan ng SETUP, natulungan ito na makapag-upgrade ng kasalukuyan nitong rice milling equipment at maisama ang teknolohiya ng DOST para sa Iron Fortified. 

Pangatlo namang binisita ang Nutridence Food Manufacturing Corporation na matatagpuan sa Sta. Barbara, Pangasinan na itinuturing na isa sa mga nangungunang technology adopter ng DOST-Food Nutrition Research Institute dahil sa malaki nitong ambag sa produksyon ng complementary at emergency food products. (Ni Rosemarie C. Senora, DOST-STII at impormasyon mula kay Christian Dominic I. Casimiro, DOST-I)