MENU

Opisyal nang inilunsad ng Department of Science and Technology Regional Office XI (DOST-XI) Grassroots Innovation for Inclusive Development o GRIND Program ang ‘SalikLakbay’ App. 

Ito ay isang mobile application na ginawa upang mapadali ang pag-access sa mga Grassroots Innovations (GI) at solutions na naka-map sa mga aktibidad ng SalikLakbay.

Ang SalikLakbay ay hango sa mga salitang “Salik” o pagsaliksik at “Lakbay” o paglalakbay o ang paggalugad upang matukoy ang mga GIs at masuri ang pangangailangan at mga posibleng interbensyon ng agham at teknolohiya upang mapabuti pa ang inobasyon.

Ang mga gagamit ng application ay maaring magdokumento ng mga inobasyon sa agham at teknolohiya kabilang na ang mga inobasyon sa circular economy.

Maaaring mag-upload ng kanilang submission ang mga innovator sa database ng DOST para sa mapping at surveying ng community-based S&T innovations. Maaring maging kuwalipikado sa suporta sa patent application processing ang mga ideya pagkatapos nitong sumailalim sa pagsusuri at balidasyon mula sa DOST. Ang mga matagumpay na inobasyong kumukuha ng patent at maari nang ma-commercialize ay makikita naman sa www.saliklakbay.ph.

Ayon sa GRIND Section Head Engr. Howell Adrian A. Ong, ang pagdebelop ng naturang aplikasyon ay isa sa mga layunin ng proyektong “Accelerating the National Determined Contributions through Circular Economy in Cities” na sumusuporta sa mga informal innovator at entrepreneur upang mapalago ang kanilang inobasyon at negosyo habang isinusulong ang mga GIs upang mapasigla ang circular economy.

“Our journey is not just in envisioning innovation, but in enabling access and empowering innovators,” saad ni Engr. Ong. 

The 'Saliklakbay' App epitomizes our commitment to democratize science and technology, fostering a platform where groundbreaking ideas flourish and find their path towards meaningful impact and commercial success," dagdag pa ni Engr. Ong.

Ang proyektong ito ay sa pagtutulungan ng DOST, United Nations Development Programme, Department of Environment and Natural Resources, at ng Gobyerno ng Japan, at binuo naman ng Advanced Infinit Technology Solutions.

Ang SalikLakbay mobile app ay maari nang ma-download sa Android. (Ni Carl Miguel A. Lusuegro, DOST-STII  at impormasyon mula sa DOST-XI S&T Information and Promotion)