Dahil sa pagpupursige ng Department of Science and Technology sa pagbibigay ng tulong na consultancy at training services, nabigyan na ng Food and Drug Administration (FDA) ng License to Operate (LTO) ang Bong Galon Herbal Oil sa Bukidnon, Northern Mindanao.
Dahil mayroon na itong FDA-LTO na valid mula Setyembre 2023 hanggang Setyembre 2024, ang negosyo ay maaari nang umabot sa iba’t iba nitong kostumer sa Sarangani Province, General Santos City, at Davao City.
Ang komprehensibong pagsasanay ng DOST para sa Good Manufacturing Practices (GMP) ay nakatulong na mapatibay ang kakayahan ng naturang negosyo para sa quality assurance at documentation. Kabilang sa pagsasanay ang paggawa ng mga manwal tungkol sa GMP na nakatuon sa sanitasyon, hygiene, pakete, leybel, at plant layout mentoring.
Bukod rito, nagsama rin ang DOST sa processing area ng Bong Galon Herbal Oil na matatagpuan sa Maramag, Bukidnon ng mga tagapayo sa pamamagitan ng Manufacturing Productivity Extension Program (MPEX). Ito ay para mapaunlad ang kalidad ng kanilang mga produkto pati na rin ang kahusayan ng kanilang produksyon, upang sa dulo ay lalo pa nitong mapaangat ang kakayahan nitong makipagkumpetensya sa lokal at internasyunal na merkado.
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang nagtayo at Chief Executive Officer ng kompanya na si Salvador “Bong” Galon ng pasasalamat at pananabik dahil sa tagumpay na ito.
“Matapos ang 24 taon na paghihintay, maraming pasasalamat ang aking nararamdaman dahil naabot ko na ang pangarap kong License to Operate mula sa FDA. Sa tulong ng DOST, naabot ko ang aking layunin at hangarin,” aniya.
Ang CEO ng Bong Galon Herbal Oil na si Salvador “Bong” Galon kasama sina DOST Bukidnon Provincial Director Ritchie Mae Guna at Grazelle dela Cruz sa isinagawang project visit.
Sa tulong ng SETUP, may kakayahan na ngayong gumawa ang Bong Galon Herbal Oil ng aabot sa 4,100 na bote ng herbal oil kada buwan o katumabas ng 39% na pagtaas ng kanilang produksyon.
Bilang unang beneficiary ng DOST-Bukidnon sa ilalim ng Health and Wellness category na nakakuha ng FDA-LTO, magsisilbing inspirasyon ang kanilang dedikasyon na makasunod sa itinakdang pamantayan ng gobyerno para sa kalidad ng produkto sa iba pang micro, small, and medium enterprises na matutulungan ng DOST at sa kabuuan ng sektor na pangkalusugan ng probinsya ng Bukidnon. (Ni Rosemarie C. Señora, DOST-STII at impormasyon mula sa DOST-X)