Bilang pagsusulong sa kampanya ng disaster risk reduction, nagsagawa ang Department of Science and Technology (DOST) ng isang eksklusibong pagpupulong sa Kongreso ng Pilipinas ukol sa 2024 Handa Pilipinas na ginanap noong 22 Enero 2024 sa South Wing Annex ng House of Representatives sa Quezon City, Metro Manila.
Saklaw ang temang “Innovation in Disaster Risk Reduction and Management Exposition,” layunin ng 2024 Handa Pilipinas na maipakita ang iba’t ibang teknolohiya at inobasyon na nagmula sa siyensya sa pagsisikap ng mga ahensya sa DOST, kung saan nakatutulong ang mga ito para mapalawig ang disaster prevention and mitigation ng bansa.
“Ang Handa Pilipinas na inisyatiba ng DOST ay kumakatawan sa pag-aksyon at pagkilala sa mga pangangailangan ng bansa upang magkaroon ng aktibong hakbang para sa mga hindi inaasahang geological at hydrometeorological na pangyayari,” saad ni Hon. Carlito S. Marquez, kinatawan mula 1st District of Bohol at Chairperson ng Committee on Science and Technology ng Lower House.
Ibinahagi rin ni Marquez na nasa spotlight ang Pilipinas sa dalawang taong magkasunod na datos ng World Risk Index sapagkat nakakuha ito ng highest overall disaster risk sa 193 bilang ng mga bansa.
Dito ay kanyang binanggit ang kahalagahan ng pagkakaroon ng siyensya, teknolohiya, at inobasyon upang mapigilan ang pag-usbong ng risks at hazards na dulot ng disasters.
Ayon naman kay Hon. Jocelyn Sy-Limkaichong, kinatawan ng 1st District of Negros Oriental at Senior Vice-Chairperson ng Committee on Climate Change, mahalaga ang pagkakaroon ng relasyon ng mga mambabatas sa DOST upang makasigurado na magiging epektibo at produktibo ang binubuong batas sa pagsasakatuparan ng science and technology advancements ng bansa.
“Adhikain ng aktibidad na ito na mapalawak ang kamalayan at kaalaman ng mga mambabatas sa disaster risk reduction, kung saan dito natatalakay ang mga teknolohiyang binuo ng DOST upang matugunan ang mga krisis sa klima, gayun na rin ang hangarin na magkaroon ng isang bansang matatag,” ayon kay Limkaichong.
Sa kabilang banda, nabanggit naman ni DOST Secretary Renato U. Solidum Jr. na sa pagkakaroon ng isang bansang matatag o resilient, palaging nakikiisa ang ahensya ng DOST sa lokal na pamahalaan at mamamayan upang makagawa ng teknolohiya at inobasyon na magagamit at mapakikinabangan ng sambayanang Pilipino.
“Ang isang bansang matatag ay tumutukoy sa pagkamit ng ambisyon ng mga Pilipino na magkaroon ng maginhawang buhay. Ito ay tungkol sa masiglang pag-unlad ng mga komunidad, kung saan ang mga ito ay mananatiling ligtas at matatag. Ang mga ito ay maisasakatuparan sa tulong ng siyensya, teknolohiya, at inobasyon na para sa mga Pilipino,” pahayag ni DOST Secretary Solidum.
Sa isinagawang 2024 Handa Pilipinas, makikita ang pagiging isa ng mga eksperto sa siyensya at polisiya sa pagtatayo ng matatag na bansa laban sa disasters. Kasabay ng pagpupulong, ipinakita rin ng mga mambabatas ang kanilang suporta sa tatlong araw na exhibit ng DOST.
Ginanap naman nitong 22-24 Enero 2024 ang nasabing exhibit sa pangunguna ng DOST-Philippine Institute of Volcanology and Seismology, DOST-Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, at DOST-Philippine Nuclear Research Institute na nagpakita ng mga teknolohiya at inobasyon na maaasahan sa disaster risk reduction. (Ni Rhea Mae B. Ruba, DOST-STII)