MENU

A group of people standing next to a table

Description automatically generated

Nagkaisa ang pwersa ng Office of Civil Defense (OCD), Department of Science and Technology (DOST), at DOST-Science and Technology Information Institute (DOST-STII) sa paglagda ng kasunduan na naglalayong palakasin at palawigin ang disaster awareness and preparedness sa bansa gamit ang STARBOOKS o Science and Technology Academic and Research-Based Openly Operated Kiosks.

Ginanap sa Executive Lounge ng DOST Central Office sa Taguig City, Metro Manila nitong ika-8 ng Pebrero 2024 ang nasabing paglagda, kung saan hangad ng kolaborasyong ito na masuportahan ang kampanya ng OCD sa pagsusulong ng disaster risk reduction and management (DRRM).

Magbibigay ang OCD ng impormasyon ukol sa kanilang mga isinasagawang aktibidad, materyales, at publikasyon na ilalagay sa sistema STARBOOKS, isang digital library mula sa DOST-STII na naglalaman ng impormasyon ukol sa siyensya at teknolohiya at iba pang kaugnay na larangan.  

“Sa paglagda ng memorandum of agreement, muling pinagtibay ng DOST at OCD ang adhikain na magbigay ng libreng impormasyon ukol sa DRRM na siyang magbibigay katatagan sa bawat indibidwal, mga komunidad, mga ahensya ng gobyerno, at iba pang pangkat sa pagkakaroon ng sapat na kaalaman at kasangkapan na magagamit para sa epektibong pagtugon sa iba’t ibang sakuna,” ani DOST Undersecretary for Scientific and Technical Services Maridon O. Sahagun.

Ayon rin kay DOST Usec. Sahagun, nakatutulong ang ganitong pakikipagtulungan sa OCD upang mapalawak ang saklaw ng STARBOOKS sa pamamagitan ng paglalagay ng mga mahahalagang impormasyong mayroong kinalaman sa DRRM na siyang susuporta sa disaster response operations ng mga lokal na pamahalaan at mga malalayong komunidad na pangunahing benepisyaryo ng nasabing kiosks.

Sa mensahe naman ni OCD Administrator Ariel F. Nepomuceno, na inihatid ni OCD Deputy Administrator for Administration Bernardo Rafaelito R. Alejandro IV, nagpaabot ng pasasalamat ang OCD sa DOST lalo na sa kanilang programa na STARBOOKS, sapagkat pinapataas nito ang antas ng kamalayan at kaalaman ng mga tao sa pamamagitan ng paglikom sa mga impormasyong pang-agham at pangteknolohiya, pati na rin ang iba pang larangan.

“Lubos akong nagpapasalamat sa partnership na ito sa DOST STARBOOKS sapagkat masusuportahan nito ang aming layunin na makapagbahagi pa ng mas malawak na impormasyon sa agham at teknolohiya, kasama na rin ang impormasyon sa DRRM,” saad ni OCD Administrator Nepomuceno.

Samantala, ipinaliwanag naman ni DOST-STII Director Richard P. Burgos ang benepisyo sa lipunan ng pagsama ng datos ng OCD sa STARBOOKS, kung saan matutulungan nito ang mga tao na mas maintindihan ang mga dapat gawin bago maganap, habang nagaganap, at pagkatapos maganap ang mga hindi inaasahang pangyayari o sakuna.

Dagdag pa ni Director Burgos, maraming ahensya, institusyon, at organisasyon ang nakakapansin sa kahalagahan ng STARBOOKS sa pagpapatibay ng kultura ng agham at teknolohiya. “Ngayon, nagsisilbi ang STARBOOKS bilang aming anting-anting sapagkat isinasakatuparan nito ang aming mga gawain na siyang nagpapaangat sa institusyon,” wika ng direktor.

Maituturing ang STARBOOKS bilang stand-alone information source, na sa kasalukuyan ay mayroon nang naitayong 7,535 kiosks sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas na siyang nagbibigay ng agarang impormasyon at edukasyong pang agham at pang teknolohiya sa mga Pilipino.  (Ni Rhea Mae B. Ruba, DOST-STII)