MENU

A group of people standing next to a group of boxes

Description automatically generated

Sa layunin na mapalawak ang paggamit ng makabagong teknolohiya sa mga paaralan, iginawad kamakailan ng Department of Science and Technology (DOST) ang dalawampu’t anim (26) na yunit ng Starlink satellite internet service sa mga paaralan ng Department of Education (DepEd) sa Gabaldon, Nueva Ecija.

Pinangunahan ni DOST Undersecretary for Special Concerns Dr. Teodoro M. Gatchalian ang turnover ceremony na ginanap sa Gabaldon Central School. Kasama rin dito sina Provincial Science and Technology Office-Nueva Ecija (PSTO-Nueva Ecija) Provincial Director Leidi Mel Sicat, Gabaldon Mayor Jobby Emata, at DepEd District Supervisor Dr. Rogelio Bue.

Ayon kay DOST Usec. Gatchalian, mahalaga na lawakan ang paraan ng pagkatuto ng mga mag-aaral. Kaya naman iminumungkahi ang pagkuha ng kamalayan at karanasan sa labas ng paaralan, tulad ng pagiging konektado sa komunidad.

“Sa tulong ng DOST-Expanded Implementation of Community Empowerment through Science and Technology o eCEST, matutupad na ang pangarap na magkaroon ng easy access sa mga paaralan sa Gabaldon. Malaki ang maibibigay nitong benepisyo lalo na sa mga mag-aaral na malayo ang lugar,” wika ni Usec. Gatchalian.

Sa kanyang mensahe, ipinahayag din niya ang paghanga kay DOST-Central Luzon Regional Director Dr. Julius Caesar V. Sicat sapagkat kauna-unahan ang rehiyon na ito na nagawang maisama ang internet service under education sa eCEST.   

Samantala, laking pasasalamat naman ni PSTO-Nueva Ecija PD Sicat kay Usec. Gatchalian sa ibinibigay nitong suporta sa DOST-Nueva Ecija upang makarating ang mga programa at proyekto ng DOST sa mga liblib na lugar gaya na lamang ng Gabaldon.

“Lubos kaming nagpapasalamat sa oportunidad na ito. Nagagalak din kami sa positibong epekto nito sa mga paaralan sa komunidad. Nakikiisa kami sa hangarin ninyo na tulungan ang mga estudyante na maging handa sa hinaharap, kung saan dito pumapasok ang mahalagang gampanin ng teknolohiya sa edukasyon,” ani ni Provincial Director Sicat.

Ang Starlink ay isang revolutionary project ng SpaceX na tumutulong sa mga paaralan upang magkaroon ng mabilis at maaasahan na internet connectivity na siyang magiging daan sa iba’t ibang oportunidad, gaya na lamang ng pagkakaroon ng online learning, collaboration, at research. 

Magsisilbing patunay ang parangal na ito sa pagtupad ng gampanin ng DOST na makapagbigay ng magandang resources para sa edukasyon ng mga mag-aaral. (Ni Rhea Mae B. Ruba, DOST-STII at impormasyon mula sa DOST-Nueva Ecija)