MENU

DOST_scientists_researchers_bag_Outstanding_Government_Workers_award_for_2023-4

Namayani ang galing ng mga manggagawa ng Department of Science and Technology (DOST) matapos makatanggap ng parangal sa Civil Service Commission (CSC) nitong ika-14 ng Pebrero 2024.

Sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. at ni CSC Chairperson Karlo Alexei B. Nograles, kinilala ang mahalagang kontribusyon sa lipunan ng piling DOST scientists, researchers, at experts sa seremonya ng 2023 Search for Outstanding Government Workers na ginanap sa palasyo ng Malacañang. 

Nakamit ng Safe, Swift, and Smart Passage or S-PaSS Core Team ng DOST-VI ang Presidential Lingkod Bayan Awardee para sa kanilang aktibong tugon upang magkaroon ng maaasahan at maayos na travel management system sa panahon ng pandemya. Unang nailunsad ang S-PaSS sa airports, seaports, at terminals sa Western Visayas na siyang sinuportahan ng Department of Transportation.

Ang parangal ay tinanggap ng grupo na pinangungunahan ni DOST-VI Regional Director Rowen R. Gelonga bilang team leader kasama nina Garry T. Balinon, at Ryan Vilmor J. Dumpit.

 

Samantala, nakatanggap din ng CSC Pagasa Award ang iba’t ibang indibidwal at pangkat na manggagawa sa DOST sa kanilang malaking kontribusyon sa siyensya at teknolohiya na nagkaroon ng benepisyo sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Kabilang na dito si Director III Ronnalee N. Orteza ng DOST Philippine Science High School System - Ilocos Region Campus, na kinilala dahil sa kanyang natatanging ideya na magkaroon ng holistic approach para sa pakikipag-ugnayan sa mga pampubliko at pampribadong ahensya upang mapalakas ng mga programang pang-edukasyon na magiging kapaki-pakinabang sa mga mag-aaral.

Sa kabilang banda, binigyang pansin din ang kontribusyon ng DOST-Philippine Nuclear Research Institute Honey Team na pinangunahan ni Dr. Angel T. Bautista VII at Norman D.S. Mendoza sa kanilang nagawang standard test na makatutukoy sa pagkalehitimo ng mga produktong honey na ibinebenta sa palengke.  

Pinarangalan din ang Food Processing and Innovation Center Davao ng DOST-XI na nagkaroon ng labimpitong (17) aktibo at progresibong Food Innovation Centers na syang makahihikayat sa komunidad, lalo na sa mga mag-aaral, na pasukin ang industriya ng food technology

Tinanggap nina Mirasol G. Domingo, Sheryl N. Napoco, Dorothy Joy M. Candilas, at Fred P. Liza ng DOST-XI ang parangal na kumilala sa kanilang pagsisikap na mapagtagumpayan ito. 

Inaasahan na magsisilbi bilang inspirasyon sa mga manggagawa ng DOST at iba pang ahensya ng gobyerno ang taon-taong parangal na ibinibigay ng CSC sa Search for Outstanding Government Workers. (Impormasyon mula sa website ng Civil Service Commission)