Nagsagawa kamakailan ang Department of Science and Technology (DOST) – Batangas, sa tulong ng DSWD-Sustainable Livelihood Program (SLP) at Local Government Unit (LGU)-Cuenca ng pagsasanay tungkol sa pagbuo at maramihang produksyon ng mga kabaong sa LIFE SLP Association, Barangay Dita, Cuenca, Batangas. Kabilang sa mga sumailalim sa pagsasanay ay ang labingtatlong residente ng Cuenca, Batangas na binubuo ng anim na lalaki at pitong babae, pawang edad 25 pataas.
Ang pagsasanay ay libreng isinagawa, at ang bawat materyales, pagkain at akomodasyon ng mga dumalo ay libreng ipinagkaaloob ng DSWD-SLP, LGU-Cuenca, at DOST-Batangas.
Ayon sa Operations Manager ng Holy Saints John Funeral Home na si Venus Ollave, karamihan daw sa kanilang mga iniingatang kabaong ay nagmula pa sa ibang bansa. Aniya, wala namang kakulangan sa supply ng kabaong sa kanilang lugar sa kasalukuyan ngunit naranasan daw nila ito taong 2021, sa kasagsagan ng panahon ng pandemya. “Noong mga panahong ‘yon, ang supply ay mahina dahil siguro sa dami ng kumukuha. Kaya hindi ko naman masabing malakas na malakas kasi ang casket nga ay nagkakaroon nga ng shortage dahil kulang talaga ‘yong supply,” saad ni Ollave.
Ilan sa mga itinuro sa pagsasanay ay ang pagdidisenyo ng kabaong, produksyon at ang mismong pagbuo ng mga ito mula sa ordinary half-glass, junior half-glass at full half-glass na kabaong. Kasama rin sa mga itinuro sa pagsasanay ay ang marketing strategies at kung paano magpe-presyo ang mga manggagawa ng kanilang mga ginagawang kabaong.
Ayon sa DOST-Batangas, kung matututunan at mapag-iibayo pa ang maramihang produksyon ng mga kabaong, hindi na daw kakailanganganin pang kumuha ng mga nasa funeral business ng kabaong sa ibang lugar.
“‘Yong delivery and including po ‘yong accessibility sa mga ganitong casket ay mas madali at mas mapapamura po tayo kasi nawala na ‘yong delivery cost,” pahayag ni John Maico Hernandez, Senior Science Research Specialist ng DOST-Batangas.
Inaasahang maipagpapatuloy ng mga manggagawa ang kanilang produksyon at pagbebenta ng kabaong gamit ang paunang pondo na ipinagkaloob sa kanila ng DSWD-SLP.
Ayon kay Hernandez, bagaman wala pang tiyak na pagtutuos ng gastos ay maaaring kumita ng sampung libo kada isang kabaong ang mga manggagawa, depende sa kung anong uri ng kabaong ang kanilang gagawin.
Ang pagsasanay na ito ay bahagi ng Small Enterprise Technology Upgrading Program o SETUP ng DOST na naglalayong mapalawig ang sakop ng maliliit na negosyo. Layunin rin ng pagsasanay na makatulong upang masuplayan ang ilang nasa funeral business sa Batangas at makapag-bigay ng karagdagang trabaho para sa mga residente ng komunidad.
Ayon kay Hernandez ay nakatakdang sumailalim sa kaparehong pagsasanay ang Lipa, Batangas. Gagawin daw nila ang kanilang makakaya upang makapag-abot ng iba pang tulong pagdating sa pagbibigay ng materyales at iba pang kagamitan na kakailanganin upang mapalawig pa ang produksyon ng kabaong sa naturang lugar, sa tulong na rin ng DOST Grants-in-Aid Community-based program. (Ni Abigael S. Omaña, DOST-STII)