MENU

PTRI_Innov_hub 1

Isang natatanging kaganapang pang-inobasyon ang nangyari sa Northern Mindanao sa pagbubukas ng Silk Innovation Hub na pinangunahan ng Department of Science and Technology - Philippine Textile Research Institute o DOST-PTRI.

Sa ginanap na programa sa Brgy. Imelda, Villanueva, Misamis Oriental noong ika-2 ng Marso 2024, nagpahayag ng mensahe ng suporta ang panauhing pandangal na si Senadora Maria Lourdes Nancy S. Binay-Angeles na magiting ring taga-suporta ng industriya ng sutla o silk sa bansa. 

“Nakakatuwa po na kahit papano yung maliit na tulong natin, malaki naman pala ang nagiging epekto dito katulad po sa nakita natin ngayon, itong facility na bubuksan natin… yung suporta po is patuloy po nating gagawin,” ani Sen. Binay sa kanyang talumpati.

Laman ng naturang hub ang kapasidad at ang makinarya upang magprodyus ng cocoon, raw silk, at thrown silk yarn. Kaya nitong makapagprodyus ng pitong (7) kilo ng raw silk at bente (20) kilo naman ng thrown silk yarn kada walang oras nitong operasyon.

Mula 2017, pinangunahan ng DOST-X ang iba’t ibang inisyatiba upang masuportahan ang industriya ng sutla sa rehiyon. Katuwang ang DOST-PTRI, mayroon na itong kabuuang labing-apat (14) na proyekto: dalawa (2) sa Bukidnon at labindalawa (12) sa syudad ng Cagayan de Oro at sa Misamis Oriental. 

Ang mga nabanggit ay maliliit na proyekto o aktibidad sa sericulture, handloom weaving, dyeing, at designing. Nabigyan din ang mga magsasaka ng kaukulang pagsasanay at mga kagamitan upang ipakita ang potensyal ng teknolohiya at para na rin isulong ang interes at pakikipag-ugnayan sa industriya.

Ang pagdaragdag din ng filature facility at ang suporta ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno ay sinasabing makatutulong din upang mas lalong mapaunlad at mapagyaman ang industriya ng sutla sa Pilipinas.

Sa kanyang mensahe, umaasa naman si Dr. Julius L. Leaño, Jr., direktor ng DOST-PTRI, na marami pang proyekto ang magagawa sa naturang industriya sa Mindanao.

"Now, we are again looking shortly na hopefully within Villanueva, within the TCMO [Technology Center in Misamis Oriental] property, e magkaroon na rin tayo ng weaving activities and the use of natural dyes for silk as well,” ani Dr. Leaño, Jr.

Bilang natatanging pasilidad para sa silk processing and tossing, nagbukas ang TCMO ng isang oportunidad na matunghayan ang pag-transition mula sa agrikultural patungo sa industriyal na operasyong katuwang ng teknolohiya.

Dumalo rin sa naturang program ang mga sericulture farmer mula sa Cagayan de Oro Resettlement Socialized Housing Project, Balubal Seri Farmers Association, at Claveria Sericulture Farmers Association. (Ni Rosemarie C. Señora, DOST-STII
at ulat mula kay Joshua Robin, DOST-X )