Matagumpay na natapos ng Department of Science and Technology (DOST)-Batangas, sa pakikipagtulungan sa Odyssey Foundation Inc. o OFI ng CDO Foodsphere Inc. at sa lokal na pamahalaan ng Cuenca, Batangas (LGU-Cuenca) ang tatlong buwang Enhanced Nutribun o e-Nutribun Feeling Program para sa mga batang kulang sa nutrisyon na ginanap sa municipal gymnasium ng Cuenca, Batangas kamakailan.
Isang daang undernourished children ang natulungan ng naturang programa na nagsimula noong Setyembre 2023. Sa loob ng tatlong buwan, tumanggap ng e-Nutribun na ginawa ng CDO Foodsphere Inc. na isang technology licensee ng DOST-Food and Nutrition Research Institute.
Sa pagtatapos ng programa, nakitaan ng pagtaas ng timbang ng mga batang benepisyaryo. Ani rin ng mga magulang ng mga bata ay napansin nilang nagkaroon ng gana ang mga bata para sa e-Nutribun.
Dumalo sa pagtatapos ng programa sina CDO Foodsphere Inc. OFI Associate Program Manager Ella J. Vergara, DOST-FNRI Chief Science Research Specialist Milflor S. Gonzales, DOST-Batangas Provincial Director Felina C. Malabanan, LGU-Cuenca Municipal Mayor Alexander Magpantay, at Municipal Social Welfare and Development Officer Jellen Macatangay.
Naghandog rin ang CDO Foodsphere Inc. at OFI ng e-Nutribun at ibang pang regalo samantalang masustansyang squash pancit canton at shing-a-ling naman ang handog ng DOST-Batangas sa mga dumalong bata at kanilang mga magulang. (Ni Rosemarie C. Senora, DOST-STII at Ulat mula kay John Maico M. Hernandez, DOST-CALABARZON)