MENU

 

Dalawang undergraduate scholar mula sa Department of Science and Technology in Davao (DOST-Davao) ang nanguna sa 2024 Mechanical Engineering Board Exam. 

Nakuha ni Engr. Rey Arcabal ang Board Exam Top 1 o ang pinakamataas ng puwesto samantalang si Engr. Ronn Dave Cañones naman ay nakuha ang pampitong puwesto o Top 7. 

Ang naturang tagumpay ng dalawang inhinyero ay hindi lamang nagpapakita ng kanilang galing at dedikasyon sa pag-aaral ngunit nagpapakita rin ng tagumpay ng mga scholarship program ng DOST sa pagpapayaman sa mga talento ng ating kabataan para sa pagsusulong ng agham at teknolohiya sa bansa.

Nagmula sa Davao del Norte, nagpahayag si Engr. Arcabal, 24, ng kanyang kagalakan sa tagumpay na natamo. 

Aniya, bata pa lamang ay pangarap na niyang makapag-aral ng inhinyeriya - pangarap na kanyang nakamit sa tulong at sakripisyo ng kanyang pamilya at mahal sa buhay, at ng kanyang pananampalataya sa Diyos.

Kinilala rin ni Arcabal ang malaking tulong na naibigay ng DOST para maabot niya ang tagumpay.

“Bukod sa pagbibigay ng pinansyal na suporta, nakatulong sa akin ang iskolarship upang makatagpo ng mga kaibigang taos ang suporta, kung saan nakabuo kami ng isang environment na nakatulong sa isa’t isa upang pag-ibayuhin ang aming pag-aaral,” aniya. 

Payo naman niya sa mga kukuha ng board exam sa hinaharap na ituon ang pokus sa pag-intindi ng mga konsepto kaysa pagmememorya, at binigyang-diin din niya ang importansya ng disiplina lalo na sa pagtutuon ng oras sa pag-aaral at paglilibang.

Sa kabilang banda, nag-ugat naman ang pagpili ni Engr. Cañones, 24, ng kursong mechanical engineering sa kagustuhang makatulong sa bansa sa pamamagitan ng kanyang propesyon. Tulad ni Arcabal, iginapang din ni Cañones ang kanyang pag-aaral sa tulong ng suporta na kanyang pamilya at paggabay ng Diyos.

“Binigyan ako at ang mga kapwa ko iskolar ng scholarship ng inspirasyon na hindi lang pagbutihin ang pag-aaral para sa pagpapaunlad rin ng sarili kundi para sa kapakinabangan ng bansa sa pamamagitan ng agham at teknolohiya,” ani Cañones.

Payo naman niya sa mga future board takers na humanap ng pinakamainam na oras para mag-aral, unahin ang kalusugan, magpahinga paminsan-minsan, at magkaroon ng malusog na buhay-panlipunan.

Sina Engr. Arcabal at Engr. Cañones ay mga undergraduate scholars sa ilalim ng R.A. 7687 o ng Science and Technology Scholarship Act of 1994 na iginagawad sa mga talentado at karapat-dapat na mag-aaral na ang pamumuhay ng pamilya ay pang-karaniwan at hindi lumampas sa itinakdang cut-off values. 

Samantala, gaganapin ang 2024 qualifying examination para sa DOST Undergraduate Scholarship Program sa ika-6 hanggang 7 ng Abril 2024. (Ni Rosemarie C. Senora, DOST-STII at  ulat mula sa DOST-XI S&T Information and Promotion)