Upang maibahagi ang ibat-ibang pamamaraan upang matutunan at maipakita ang mga teknikal na aspeto ng proseso ng paggawa ng banana chips, nagsagawa kamakailan ang Department of Science and Technology (DOST)-Batangas ng isang technology clinic o teknikal na konsultasyon hinggil sa estandardisasyon ng naturang produkto ng Mira's Nature's Goodness sa lungsod ng Lipa sa Batangas.
Sa tulong ng eksperto mula sa Institute of Food Science and Technology – University of the Philipppines, Los Baños na si Dr. Joel P. Rivadeneira, University Researcher III, ay naibahagi ang mahahalagang kaalaman upang lalo pang mapabuti ang pamamaraan ng pagproseso, pagpapakete, at pagsusuri, at matiyak ang mataas na kalidad ng banana chips.
Sa pamamagitan ng pagsasanay na ito, inaasahang mas mapapanatili ang mataas na kumpetisyon sa merkado ng naturang produkto. Nagbigay-daan din ang konsultasyon upang madagdagan ang kaalaman ng kumpanya sa mga napapanahong kaganapan at inobasyon sa industriya ng paggawa ng banana chips.
Isa sa mga nakitang problema habang nagluluto ng banana chips ay ang hindi pagkakapare-pareho ng kinakailangang nipis ng banana chips. Ito ay dahil sa gamit na banana slicer na may hindi magkakaparehong kapal ng blade.
Upang matugunan ang problemang ito, iminungkahi ng DOST na magpagawa ang Mira’s ng banana slicer na may pirming sukat ng blade upang matugunan nila ang kinakailangang nipis ng kanilang banana chips at maiwasan ang rejects nito.
Bukod sa tulong-teknikal ng DOST, pinagkalooban din nila ng kagamitan ang Mira’s para naman sa produksyon nito ng turmeric and ginger brew, sa ilalim ng Small Enterprise Technology Upgrading Program o SETUP.
Upang masiguro ang kalidad o freshness at kalinisan ng banana chips, tinuruan din ni Dr. Rivadeneira ang mga kalahok ng tamang pag-handle ng pagkain hindi lamang habang nakaimbak ito kundi sa simula pa lamang ng pagkuha nila ng raw materials. Tinuruan din ni Dr. Rivadeneira ng Good Manufacturing Practices ang mga lumahok na pagsasanay na dapat nilang sundin at gawin habang sila ay nag-poproseso.
Nagkaroon din ng pagkakataon ang mga kalahok sa konsultasyon upang personal na maranasan ang demonstrasyon at upang matugunan na rin ang iba pang problemang kinakaharap ng kumpanya sa paggawa ng naturang produkto.
Ayon sa DOST-Batangas, bukod sa Mira’s Nature’s Goodness, maaari ring isagawa ang technology clinic na ito sa mga nagnanais na gumawa o mag-upgrade ng kanilang pagproseso ng banana chips.
Ang mga bagong kaalaman at mga gabay na ibinahagi sa pagsasanay ay magsisilbing daan upang mapanatili ang mataas na kalidad ng kanilang mga produkto.
Sa tulong ng DOST-Batangas at pagsasagawa ng ganitong mga aktibidad, nagiging mas handa at maayos ang mga lokal na negosyo ng naturang lugar upang makipagsabayan sa masigla at kompetitibong industriya ng pagkain at produktong agrikultura.
Maaaring makipag-ugnayan sa opisina ng DOST-Batangas ang mga banana chips production owner na interesadong magkaroon ng teknikal na konsultasyon.
Magsumite lamang ng sulat na naka-address sa Regional Director ng DOST-Calabarzon, Ms. Emelita P. Bagsit, sa tulong ni Ms. Felina C. Malabanan, Provincial Director ng DOST-Batangas.
Maaari ring tumawag sa (043) 726 6115 o mag-email sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. o magpadala ng mensahe sa FB Page na DOST Batangas para sa iba pang karagdagang katanungan.
Mabibili ang produktong ito sa mga grocery stores, Robinsons’ Supermarket at iba pang mga pamilihan sa Batangas. Nagsu-supply din ang Mira’s Nature’s Goodness sa iba pang parte ng bansa at maging sa ibang bansa. (Ni Abigael S. Omaña, DOST-STII at impormasyon mula kay John Maico Hernandez, DOST-Batangas)