MENU

A group of people holding a large check

Description automatically generated

Sa ikalawang pagkakataon, nakatanggap ang Department of Science and Technology – Science and Technology Information Institute (DOST-STII) – Science and Technology Academic and Research Based Openly Operated KioskS (STARBOOKS) ng bukas palad na donasyong nagkakahalaga ng PhP2.1-milyon mula sa BPI Foundation Inc. o BPIFI.

Ito ay ipinagkaloob sa pamamagitan ng isang turnover ceremony na isinagawa noong 11 Abril 2024 sa DOST-STII. Layunin nitong palakasin ang proyektong STARBOOKS sa pamamagitan ng pagbibigay ng tatlumpung (30) kumpletong set ng mga materyales sa pag-aaral ng agham, teknolohiya, at inobasyon.

 Ang turnover ceremony ay dinaluhan ng mga pangunahing kinatawan mula sa DOST-STII na pinangungunahan ni Director Richard P. Burgos kasama sina DOST-STII Information Resources and Analysis Division (IRAD) Chief Alan C. Taule at STARBOOKS Unit Head Marievic V. Narquita, BPIFI Associate Director Juvylyn S, Revina, BPIFI Program Manager Melanie P. Magbuhos, at BPIFI Program Coordinator Benrick M. Dulay. Dumalo rin sa nasabing seremonya si DOST Undersecretary for Scientific and Technical Services Maridon O. Sahagun.

Sa kanyang pambungad na pananalita, nagpasalamat si Dir. Richard P. Burgos sa patuloy na pakikipagtulungan ng BPIFI upang maisakatuparan ang nag-iisa nilang layunin. Binigyang diin din ni Dir. Burgos ang kahalagahan ng pagtutulungan at kolaborasyon ng pampubliko at pribadong sektor tungo sa makabuluhang pagbabago sa edukasyon. 

 "Ikinagagalak ko pong pasinayaan ang panibagong relasyon na ito katulong ang BPI Foundation. Ito po ay isang matibay na testamento ng maayos na relasyon sa pagitan ng pampubliko at pribadong sektor ng ating lipunan," saad ni Dir. Burgos. 

 Idiniin rin ni Dir. Burgos ang napakahalagang papel ng proyektong STARBOOKS sa demokratisasyon ng access sa impormasyon, partikular na sa mga malalayo at liblib na komunidad. "Ang STARBOOKS ay isang digital na solusyon upang punan ang agwat sa pagitan ng mga taong mayroon at mga taong walang access sa impormasyon," patuloy niya.


Ipinaabot din ni Usec. Sahagun ang kanyang lubos na pasasalamat sa BPIFI sa walang patid na suporta nito sa pagsulong ng edukasyong pang-agham at teknolohiya sa mga liblib na komunidad. "Para sa BPI Foundation, ang aming labis na pasasalamat sa inyong bukas palad na donasyon na 2.1 milyong piso upang magbigay ng tatlumpung (30) kumpletong STARBOOKS set at mga bagong biling computer sets para sa mga piling lugar sa buong bansa. Tunay ngang kami'y nagagalak sa pakikipagtulungan na ito dahil ito ay nagsisilbing patunay sa aming patuloy na pangako na mapahusay pa ang mga kasanayan sa pag-aaral ng lahat ng aming mga STARBOOKS beneficiaries sa bawat rehiyon." 

 Pinasalamatan din ni Usec. Sahagun ang BPI Foundation sa mahalagang karagdagan nito sa STARBOOKS database na tinatawag na "FinEd Unboxed", na naglalayong itaguyod ang financial literacy at itaas pa ang kalidad ng mga kasanayan sa pananalapi sa komunidad. 

Ang STARBOOKS ay isa sa mga pangunahing programa ng DOST-STII na gumagamit ng digital na teknolohiya upang magkaroon ng komprehensibong STI learning materials ang mga estudyante at guro sa mga liblib na lugar, kaya't napapaunlad ang kultura ng makabagong ideya at siyensiya. 

Kasunod ng unang donasyon nito na Php700,000 sa unang bahagi ng 2023, ang ikalawang donasyon na ito na mula sa BPI Foundation ay magbibigay daan sa tatlumpung (30) malalayong paaralan sa buong Pilipinas na magkaroon ng access sa mga makabagong mapagkukunan ng pag-aaral, na nagbibigay kapangyarihan sa mga mag aaral na galugarin at makisali sa kapana-panabik na mundo ng agham, teknolohiya, at makabagong ideya. 

 "Ito ay isang bagay na talagang magpapatibay sa aming pakikipagtulungan at makasisiguro po kayong kami ay patuloy na magiging karapat dapat sa inyong tiwala sa pagkamit ng ating mga layunin para sa proyektong ito," dagdag ni IRAD Chief Taule.

 Ang DOST-STII ay nauna nang nagkaloob ng STARBOOKS computer set donations para sa Alitagtag Senior High School at San Felipe Elementary School sa rehiyon ng CALABARZON. 

Kabilang din sa iba pang eskwelahan na pagkakalooban donasyon mula sa BPI Foundation ay ang Pantabangan West Integrated School, Dueg Resettlement Elementary School, Lauis National High School, Sto. Tomas National High School, San Jose Agricultural HIgh School, Agripino Armedilla National High School, San Agustin National Trade School, Pascual Catajay Linao National High School (PCLNHS), Balogo High School, Sorsogon Pilot Elementary School, Ansulag Elementary School, Nabataan Elementary School, Katiclan Elementary School, Tabunoc Elementary School, Tugas Elementary School, Catungawan Elementary School, Busay National High School, Cuyting Uy National High School, Hanginan Elementary School, Eugenio S. Daza Pilot Elementary School, Galutan National High School, Pulang Yuta Elementary School, Luntad Elementary School, Katualan Elementary School, P. Changco Elementary School, Magdum National High School, Dujali CES, at Cadalagan Elementary School.

"Sa ngalan ng DOST, mapagpakumbaba po naming ipinapaabot ang aming taos- pusong pasasalamat sa pamamagitan ng pagtanggap sa mga mahalagang donasyon na ito. Kasama ang DOST, DOST-STII, at BPI Foundation, muli naming pinagtitibay ang aming pangako sa pagbibigay ng libre at accessible na impormasyon na may kaugnayan sa agham at teknolohiya, pagpapasulong ng adbokasiya ng financial literacy, pagbibigay ng kapangyarihan sa mga indibidwal, institusyon at komunidad ng mahahalagang kaalaman at mapagkukunan upang isulong ang edukasyong pang agham at teknolohikal, " pagtatapos ni Usec. Sahagun.(Ni  Abigael S. Omaña, DOST-STII)