Nakasungkit ang Department of Science and Technology- Philippine Textile Research Institute (DOST-PTRI) ng tatlong parangal sa katatapos lang na 49th International Exhibition of Invention (IEIG), dahil sa dalawang inobasyon na ibinida sa internasyunal na entablado sa Geneva, Switzerland.
Ang Eco-friendly Bamboo Textiles at High-blend Natural Textile Fiber o mas kilala bilang Lyocell Yarns ay nakatanggap ng Bronze Awards, sa ilalim ng kategoryang Clothing, Textile, Machines, and Accessories mula sa halos 1,000 inobasyon at produkto na ipinakita ng nasa 80 exhibitors mula sa 40 na bansang lumahok.
“I came to realize the pivotal role of technology transfer in ensuring that theinventions will be put into good views and will rebound into socio-economic growth and development. Further, the active coordination between the inventors and the technology transfer officers should be implemented as this can create purposeful innovations”, saad ng Senior Science Specialist na si Evangeline Flor Manalang mula sa DOST-PTRI sa isang panayam.
Si Manalang ay isa sa mga delegado ng Pilipinas sa nasabing kaganapan sa Geneva, kasama si Dr. Julius Leano Jr., Director IV ng PTRI, na parehong nagpresenta ng dalawang inobasyon sa tela at nakatanggap ng pagkilala.
Bukod dito, ang High-blend Natural Textile Fiber o Lyocell Yarns ay nakatanggap din ng espesyal na pagkilala mula sa King Khalid University, isang pampublikong unibersidad na matatagpuan sa Abha, Saudi Arabia.
Ayon sa DOST-PTRI, ang mga karangalan na ito ay nagpapatunay ng lumalagong presensya ng Pilipinas sa global innovation landscape at binibigyang-diin din nito ang pangako ng institusyon na panatilihin ang makakalikasang teknolohiya sa tela.
Alinsunod sa mga regulasyon ng Europa, ang Lyocell fiber ay nakilala dahil sa makakalikasan nitong katangian, kung saan nagmula sa mga natural na materyales ang mga ginamit.
Kasama sa produksyon ng inobasyong ito ang pagproseso sa mga dahon ng pinya, saging, at hibla ng abaca sa isang sinulid.
Kung ikukumpara sa mga sintetikong hibla tulad ng polyester at rayon, nag-aalok ang Lyocell ng mas pinababang carbon footprint at pinahusay na tibay at dekalidad na produkto.
Bilang angkop rin na gamitin sa larangan ng fashion, mga tela ng kagamitan sa bahay at mga pang-industruiyang aplikasyon, inaasahan din na matutugunan nito ang tumataas na demand ng tela mula sa mga kumpanya ng damit.
Sa kabilang banda, ang bamboo textile naman ay nakakuha rin ng katanyagan dahil sa angkin nitong lambot, at minimal na epekto sa kapaligiran.
Bukod sa muwebles, iba't ibang dekorasyon, kagamitan sa kusina, instrumentong pangmusika, at kahit na bilang pagkain, ang kawayan ay kadalasang ginagamit bilang isang sinaunang materyal para sa pang-araw-araw na paggamit.
Bilang karagdagan sa mga materyales na ito, ang DOST sa pamamagitan ng PTRI ay nakadiskubre kamakailan ng isang bagong produkto mula sa kawayan.
Sa pakikipagtulungan sa Isabela State University (ISU) Cauayan Campus, naitinatag ng DOST-II ang unang Bamboo Textile Fiber Innovation Hub para sa pagproseso ng natural na mga hibla mula sa kawayan, na siyang pangunahing materyal na kailangan upang makagawa ng mga sinulid.
Ayon kay Engr. Jerome P. Juan, project coordinator ng ISU Cauayan, ang pagkuha ng fiber mula sa kawayan ay sumasailalim sa proseso ng pagpuputol, pagpapalambot, pagpapaputi, pagpapatuyo, at paggiling.
Ang mga naprosesong mga hibla ay dinadala naman sa ISU Ilagan City kung saan naman nakatayo ang Regional Yarn Production and Innovation Center para sa Northern Luzon. Dito naman makikita ang pagproseso sa mga hibla sa matibay at dekalidad na mga sinulid.
Ayon kay DOST-II Regional Director Virginia G. Bilgera, napili ang ISU Cauayan upang maging tahanan ng produksyon ng mga Bamboo fibers dahil sa masaganang taniman nito ng mga puno ng kawayan.
Dagdag pa ni Bilgera, nagpatupad din ng proyekto ang pamahalaang lungsod ng Cauayan na magtanim ng maraming puno ng kawayan upang matiyak na magkakaroon ng sapat na suplay para sa mga produksyon ng natural Bamboo fibers. (Ni Claire Bernadette A. Mondares, DOST-STII)