Dalampu’t isang magsasaka ng abaka mula sa Catanduanes ang nabigyan ng pag-asa sa tulong ng pagsasanay sa pagtukoy ng abaca disease at virus.
Ang programa ay inorganisa ng Department of Science and Technology – National Research Council of the Philippines (DOST-NRCP) sa pakikipagtulungan ni Dr. Leny Galvez, research and development leader ng Catanduanes State University o CatSU.
Pinangunahan ng CatSU-Abaca Technology and Innovation Center (ATIC) ang limang araw na pagsasanay na nagbigay ng bagong kaalaman sa mga magsasaka kung paano matukoy at malabanan ang mga sakit na maaaring dumapo sa abaka. Ang kaalamang ito ay makatutulong sa mga magsasaka na protektahan ang kanilang kabuhayan at sa pagpapalago ng industriya ng abaka sa probinsya.
Ang problema sa pera, kasama ang pangamba ng sakit sa abaka, ang nakikitang dahilan ng pagkasira sa industriya. Ang mabilis na pagbabago sa presyo ay nakapanghihina ng loob ng mga magsasaka at nagtutulak sa kanilang lumipat sa industriyang mas sigurado ang kita.
“Halos hindi na sila nagproprovide ng hagot dahil napakababa, kung sila makikihagot wala na, tapos hihingian pa sila ng share. Luging lugi na kaya maraming nabubulok ngayon na abaka, tapos diyan pa nga sa hilang. Kaya ako nagpapasalamat saka ang samuyang association sa NRCP-RDLead program saka kay Dr. Leny dahil sa magandang pa-training,” ani Ginoong Valenzuela na isa sa mga magsasaka.
Kaugnay niyo, nagpaabot siya ng kanyang pasasalamat para sa pagsasanay na ito.
Ibinahagi rin niya ang mga problemang kinahaharap ng mga magsasaka ng abaka tulad ng mababang bentahan sa merkado. Sinasamahan pa ito ng mga dagdag na gastos na hinihingi ng mamimili na nagreresulta sa malaking pagkawala sa kita ng mga magsasaka. Dulot din nito, napanghihinaan ng loob ang mga magsasaka na kung minsan ay nagreresulta sa tuluyang pag-abandona nila sa industriya ng pagtatanamin ng abaka.
Ang abaka o Manila Hemp ay isang mahalagang produkto ng Catanduanes. Ngunit hamon sa industriyang ito ang mababang bilihan sa merkado at mga sakit sa pananim na ito kaya’t kinakailangan ang suporta mula sa komunidad at gobyerno upang masiguro ang pananatili ng industriyang ito.
Ang CatSU Abaca Technology and Innovation Center (ATIC) ay nabuo sa pagtutulungan ng DOST-V at CatSU upang matugunan ang mga isyung kinahaharap ng nito. Layon nitong makapagbigay ng inobatibong pamamaraan sa pagpapalago at pagpapalawig ng abaka upang mapanatili ang industriya nito sa Pilipinas at sa buong mundo.
Ang naturang pagsasanay na dinaluhan ng mga guro at mag-aaral mula sa CatSU, mga researcher sa CatSU-ATIC, tauhan mula sa DOST V at DOST-NRCP, at PhilFIDA ay hindi lamang nakapagbigay ng importanteng kaalaman sa agrikultura. Ito ay nakapagbigay rin sa kanila ng kakayahang matukoy ang mga banta sa kalidad ng produksyon ng kanilang hand-stripped abaca fiber. (Ni Carl Miguel A. Lusuegro, DOST-STII at impormasyon mula kay Maradika Ysiaba M. Ramos, DOST-NRCP)