Ang pagpapasinaya ng STARBOOKS Digital Library sa Alberto Olarte Sr. National High School, Sarangani Island, Davao Occidental na pinangunahan ng DOST officials na sina Director Richard P. Burgos ng DOST-STII (nasa dulong kanan) at ni DOST-XI Regional Director Dr. Anthony C. Sales (pangatlo mula sa kaliwa). Kasama nila ang ilan sa mga guro ng naturang paaralan. (Larawan mula sa DOST XI PSTO-Sarangani)
Nagpamahagi ang Department of Science and Technology (DOST) ng digital library nitong STARBOOKS sa apat na paaralan sa isla ng Sarangani, Davao Occidental kamakailan.
Ang STARBOOKS o Science and Technology Academic and Research-Based Openly-Operated Kiosk Stations ay kilalang flagship program ng DOST-Science and Technology Information Institute o DOST-STII. Ito ay isang digital library system na naglalaman ng mga aklat, journal, at marami pang multimedia resources na sumasaklaw sa iba’t ibang larangan ng agham, teknolohiya, at inobasyon.
Layunin ng ahensya, sa pamamagitan ng DOST-XI at tanggapang panlalawigan nito sa Davao Occidental, na pagtibayin ang access sa edukasyon sa isla at palakasin ang edukasyon sa agham at teknolohiya sa buong komunidad.
Kabilang sa apat na paaralan na nakatanggap ng naturang STARBOOKS units ay ang Pulabato Elementary School, Angel Olarte Sr. Elementary School, Patuco Integrated School, at Alberto Olarte Sr. National High School.
Sinabi ni DOST-XI Regional Director Dr. Anthony C. Sales na ang mga kagamitan na handog ng STARBOOKS ay makatutulong hindi lang sa pagpapalaganap ng mga impormasyon tungkol sa siyensya at teknolohiya kundi pati na rin sa pagbubukas ng mga oportunidad sa bagong henerasyon.
“With STARBOOKS, we're not just bringing information but we're opening doors to dreams and possibilities, igniting a passion for learning that will shape futures and inspire generations,” wika ng direktor.
Ang seremonya ay idanaos sa Alberto Olarte Sr. National High School na dinaluhan nina Sarangani, Davao Occidental Mayor Adelan B. De Arce, DOST-STII Director Richard P. Burgos, Dr. Sales, at PSTO-Davao Occidental Provincial Director Maria Victoria I. Dado.
Ang pamamahagi ng STARBOOKS sa mga paaralan ay repleksyon ng malawak na estratehiya ng DOST na punan ang mga kakulangan sa edukasyon at maitaguyod ang mga oportunidad sa pagkatuto ng agham, teknolohiya, inhenyeriya at matematika sa buong kapuluan ng Pilipinas. (Ni Sean A. Magbanua, DOST-STII-Intern / Impormasyon mula kay Vener Zygmond O. Rebuelta ng DOST-XI)