MENU

Picture1 1

Sina DOSTI-ITDI Director Dr. Annabelle V. Briones at Administrative and Technical Services Officer-in-Charge Dr. Janet F. Quizon, kasama ang pangkat na bumubuo sa proyektong “Technical Services Certificates Verifiable using Blockchain Technology.” (Larawang kuha ng DOST-STII)

Opisyal na inilunsad ng Department of Science and Technology–Industrial Technology Development Institute (DOST-ITDI) ang kanilang online document verification portal noong ika-13 ng Mayo 2024. 

Ang aktibidad na ito ay may temang "DOST-ITDI Go Digital: Customer Portal, E-payment System, and Document Verification Portal.”

Sa ilalim ng proyektong “Technical Services Certificates Verifiable Credentials using Blockchain Technology,” ang portal na ito ay naglalayong beripikahin ang mga dokumentong inilalabas ng DOST-ITDI, gaya ng laboratory tests, gamit ang blockchain technology.

Inilarawan ni DOST-ITDI Director Dr. Annabelle V. Briones ang blockchain technology bilang isang teknolohiyang may kakayahang matiyak ang seguridad ng mga dokumento at impormasyon sa pamamagitan ng desentralisasyon, disenyo nitong tamper-proof, at pag-automate ng mga proseso.

Ang proyektong ito ay pinondohan at sinuportahan ng Blockchain Program ng DOST-Philippine Council for Industry, Energy and Emerging Technology Research and Development (PCIEERD) sa ilalim ng Capability Development Program o CapDev.

Ayon kay DOST-PCIEERD Deputy Executive Director Niñaliza H. Escorial sa kanyang pambungad na pananalita, pinatutunayan ng proyektong ito ang dedikasyon ng ahensya sa paggamit ng blockchain technology upang mapabuti ang mga prosesong may kinalaman sa beripikasyon ng mga dokumento sa pamahalaan.

Isinaad naman ng kalihim ng DOST na si Dr. Renato U. Solidum Jr. sa kanyang talumpati na ang portal na ito ay nagpapakita ng pagbabago sa paraan kung paano makikipag-ugnayan ang DOST sa mga nasasakupan nito. 

Ibinahagi ni DOST-ITDI Senior Science Research Specialist and Project Leader Gennie A. Ordoña na ang portal na ito ang pang-apat na pangunahing inisyatibo na nagtutulak sa digital transformation ng DOST-ITDI, kasama ng customer portal, technical services information systems, at e-payment platform.

Isinulong din sa aktibidad na ito ang kahalagahan ng digital transformation sa pamamagitan ng pagtatampok sa iba’t ibang eksperto.

Sa larangan ng cybersecurity, tinalakay ni Benjie Brian Zamora, ang tagapagtatag at Head of Consulting ng Sophie’s Information Technology Services o SitesPhil, na maaaring gamitin ng mga cybercriminals ang ating digital footprint o ang mga bakas ng data mula sa ating mga online na gawain para sa kanilang mga personal na interes. 

Ayon sa kanya, maaaring magsilbing solusyon ang blockchain technology upang labanan ang iba’t ibang isyung may kinalaman sa cybersecurity

Inilahad naman ni DOST-Planning and Evaluation Service Director Cezar R. Pedraza ang mahalagang papel ng digital na transpormasyon sa paglutas ng limitasyon ng mga manwal na proseso sa loob ng pamahalaan.

Aktibo na ring isinusulong ng Land Bank of the Philippines, isang institusyong pinansyal ng pamahalaan, ang mga inisyatibo nito tungo sa digital transformation. Isinaad ni Land Bank Senior Vice President Althon C. Ferolino na ito ay naaayon sa programa ng pamahalaan na gawing mas inklusibo ang sistemang pinansyal ng bansa.

Si Atty. Herminio C. Bagro III, ang General Counsel at isa sa mga tagapagtatag ng Twala, ang huling tagapagsalita ng aktibidad. Ipinakita niya ang potensyal ng blockchain technology sa iba't ibang sektor tulad ng batas, pananaliksik at pagpapaunlad, mga kooperatiba, pabahay, edukasyon, at pamahalaan.

Sa kanyang pangwakas na pananalita, ipinaabot ni Dr. Janet F. Quizon, ang Officer-in-Charge ng DOST-ITDI Administrative and Technical Services, na ang portal na ito ay sumasagisag sa progreso at inobasyon na magbibigay daan patungo sa isang hinaharap na may tatak ng katapatan at integridad.