Sa pagtatapos ng pagdiriwang ng 2024 DOST-MIMAROPA Regional Science, Technology and Innovation Week, tampok dito ang ilan sa mga proyekto ng Department of Science and Technology o DOST na nag-iwan ng mga natatanging marka ng pag-unlad at pag-asa para sa mga Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs) ng rehiyon.
Sa tulong ng Small Enterprise Technology Upgrading Program o SETUP ng DOST, nagsilbing plataporma ang pagdiriwang upang maipakita ang transpormatibong epekto ng mga interbensyon ng DOST sa mga lokal na negosyo at mga kahanga-hangang kuwento ng tagumpay na bunga ng mga proyektong tinulungan nito.
Isa sa mga naitampok sa tatlong araw na pagdiriwang ay ang pagbisita sa ilang mga proyektong tinulungan ng DOST na nagbigay daan sa paglago ng ekonomiya ng buong rehiyon ng MIMAROPA. Kabilang sa mga natatanging proyektong binisita ay ang mga sumusunod:
Pamepiaolo Modular Kitchen and General Merchandize (Furniture Manufacturing)
Binisita ni DOST Secretary Renato U. Solidum Jr., kasama sina Usec. Sancho A. Mabborang, DOST-MIMAROPA Regional Director Ma. Josefina P. Abilay, DOST-STII Director Richard P. Burgos, at Architect Wilfredo O. Apacible ng PMK ang proyektong Pamepiaolo Modular Kitchen and General Merchandize sa Bulusan, Lungsod ng Calapan noong ika-7 ng Mayo 2024
Matatagpuan sa Brgy. Bulusan, lungsod ng Calapan, Oriental Mindoro, at pinangungunahan ng arkitektong si Wilfredo O. Apacible, pinagkalooban ang Pamepiaolo Modular Kitchen and General Merchandize ng malaking tulong sa pamamagitan ng 2021 SETUP Innovative Support System.
Ang pagkakaloob ng awtomatikong edge banding machine at horizontal air compressor ay naging tulay para sa mas madaling pag-proseso ng pagmamanupaktura, na nagresulta sa:
- Pagpapabilis ng pagkakabit ng mga edge band sa mga gilid ng board, na nagpapabilis sa apat na oras na manwal na gawain patungo sa limang (5) minuto lamang;
- 32.98% pagtaas sa average na buwanang benta nito;
- Pagpasok ng bagong linya ng produkto, kabilang ang cellphone-coffee holder, na gumagamit ng mga natirang materyales mula sa produksyon;
- Karagdagan sa regular na mga manggagawa mula sa labing-isa (16) patungo sa dalawampu’t dalawang (22) bilang ng mga empleyado; at
- Paglawak ng presensya sa merkado mula sa Metro Manila at Oriental Mindoro, pati na rin ang Occidental Mindoro, Nueva Ecija, Bataan, Romblon, Bicol Region, at Laguna.
Ipinahayag naman ni Wilfredo O. Apacible ang kanyang taos-pusong kasiyahan sa tulong na natanggap mula sa DOST, "Ang totoo n'yan, first time na ako'y nakaramdam ng tulong o assistance mula sa gobyerno na talagang direkta 'yong impact sa'min. Malaking bagay," saad ni Apacible.
BLJR Aqua Farm (White Leg Shrimp Production)
Sina DOST Sec. Renato U. Solidum Jr., kasama sina DOST-Oriental Mindoro Prov. Dir. Jesse M. Pine, DOST-MIMAROPA Regional Director Ma. Josefina P. Abilay, DOST-STII Director Richard P. Burgos, at may-ari na si Engr. Gaudencio Renato T. Goco sa pagbisita sa proyektong BLJR Aqua Farm sa Tawagan, lungsod ng Calapan noong ika-7 ng Mayo 2024
Pinangungunahan ni Engr. Gaudencio Renato T. Goco, matatagpuan ang BLJR Aqua Farm sa Brgy. Tawagan, lungsod ng Calapan, Oriental Mindoro.
Sinasabing napalawig ang pag-unlad sa produksyon ng hipon sa pamamagitan ng interbensyong hatid ng DOST. Sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga paddle wheel aerators, electric roots blowers, at high-density polyethylene (HDPE) pond liners, naitala ng farm ang:
- Pagtaas ng stocking density mula sa 80 pcs/m2 patungo sa 150 pcs/m2, na nagpapamalas ng isang intensibong sistema ng pagpapalaki ng aquaculture;
- Pagbaba ng insidente ng peste at sakit, na nagresulta sa pagtaas ng survival rate mula 65 porsyento patungo sa 85-90 porsyento;
- Pagpapababa ng production cycle mula sa apat patungo sa tatlong buwan, na nagpapababa ng mga gastos at nagpapabuti sa feed conversion ratio o FCR); at
- Pagtatala ng katamtamang pagtaas na umabot sa 227.12 porsyento sa taunang kita nito.
Ipinaliwanag rin ni Engr. Gaudencio Renato T. Goco ang magandang epekto ng mga interbensyon ng DOST sa kanilang negosyo, na sinasabing malinaw na pinataas nito ang kanilang produksyon ng hipon mula limang daan (500) hanggang isang libong (1,000) kilo patungo sa limang libong (5,000) kilo sa loob lamang ng tatlong buwang panahon ng pagpapalaki.
Nabanggit rin ng Kalihim ng DOST na si Renato U. Solidum Jr. na ang interbensyon ng DOST sa pagpapanatili ng mataas na kalidad ng tubig sa Aqua Farm ay naisasakatuparan sa pamamagitan ng tulong na ipinagkakaloob ng DOST-Metals Industry Research and Development Center o DOST-MIRDC.
Dry Tech Manufacturing Corporation (Dried Taro Leaves Production)
Binisita rin ni DOST Secretary Renato U. Solidum, Jr. kasama sina Usec. Sancho A. Mabborang, DOST-MIMAROPA Regional Director Ma. Josefina P. Abilay, DOST-STII Director Richard P. Burgos, at Mr. June Manrique ng DTMC ang Dry Tech Manufacturing Corporation sa Biga, Calapan City noong ika-7 ng Mayo 2024.
Binisita rin ni DOST Secretary Renato U. Solidum, Jr. kasama sina Usec. Sancho A. Mabborang, DOST-MIMAROPA Regional Director Ma. Josefina P. Abilay, DOST-STII Director Richard P. Burgos, at Mr. June Manrique ng DTMC ang Dry Tech Manufacturing Corporation sa Biga, Calapan City noong ika-7 ng Mayo 2024.
Sa pangunguna ni Ginang Ana Renee D. Manrique, matatagpuan ang Dry Tech Manufacturing Corporation sa Barangay Biga, Calapan City, Oriental Mindoro.
Sa pamamagitan ng multi-commodity solar drier o MCSD na ipinagkaloob ng DOST, nakamit ng kumpanya ang mga sumusunod:
- Malaking kabawasan sa gastos na dulot ng paggamit ng Liquified Petroleum Gas o LPG na umaabot ng PhP60,000;
- Pagtaas ng kapasidad ng pagproproseso ng tuyong dahon ng gabi sa bawat cycle;
- 215% pagtaas sa taunang kita ng kumpanya at gayundin ang 461% pagtaas sa buwanang kita nito; at
- Karagdagang bilang ng regular na empleyado nito mula pito (7) hanggang labing-isa (11).
Binigyang diin din ni Ginang Manrique ang magandang epekto ng interbensyon ng DOST sa kanilang kumpanya.
"From the very start na nakipag-cooperate na kami, hinanap namin ‘yong tulong ng DOST from clinical assistance to consultation, hanggang sa pagsali sa mga trade exhibits and marketing, and lastly, itong SETUP loan na nakuha din namin sa kanila. Ka-partner namin sila sa business na ito, na siguro kung hindi nangyari ‘yon, parang mahihirapan din kami. Actually, we started small, tapos ngayon na-sustain ‘yong business namin because of this collaboration,” aniya.
“Hindi namin makakalimutan ‘yong DOST kasi sila nga ‘yong sinasabing the other side of the government. Mayroong magandang side, mayroong hindi magandang side ng government, s’ya ‘yong magandang side ng government. Talagang malaki ang utang na loob namin sa DOST,” pagtatapos naman ni Ginoong June Manrique.
Provincial Demonstration Farm (Rice-based Innovation Center)
Mga produkto ng Provincial Demonstration Farm kasama sila DOST Secretary Renato U. Solidum Jr at DOST-MIMAROPA Regional Director Ma. Josefina P. Abilay.
Matatagpuan sa Merit, Victoria, Oriental Mindoro, ipinakita ng Provincial Demo Farm ang mga makabagong inobasyon sa mga produkto na batay sa bigas matapos ang interbensyon ng DOST.
Sa pamamagitan ng mga makabagong teknolohiyang ipinagkaloob ng DOST, ang farm ay nakagawa ng iba't ibang produkto tulad ng:
- Roasted rice brew (brown, black, at red);
- Roasted rice tea (black rice at green tea);
- Genmaicha (brown rice at green tea);
- Rice flour;
- Chewy rice krispies with various flavors;
- Rice candy bars;
- Puffed rice candy bars;
- Tapuy (rice wine);
- Rice kropek; at
- Different rice tea variants.
Patuloy namang isinasagawa ang mga pagsasaayos ng proseso at standardization efforts and utility model applications upang lalo pang mapabuti ang kalidad ng produkto at mapalawig pa ang kumpetisyon sa merkado ng naturang produkto.
Ipinahayag din ni Ginang Christine M. Pine, ang Provincial Agriculturist ng Oriental Mindoro, ang kanyang taos-pusong kagalakan sa interbensyong hatid ng DOST.
"Malaking tulong ito kasi it will give our farmers options to explore. Kagaya ng nga climate-resilient technologies, kailangang-kailangan ‘yan pang tugon para maka-adapt sila sa climate change phenomena kagaya ng El Niño at malalakas na bagyo,” aniya.
Ang matagumpay na kuwento ng mga proyektong ito ng DOST-SETUP ay nagpapatunay lamang ng determinasyon ng kagawaran na palakasin at patuloy na tulungan ang mga MSMEs patungo sa matatag na pag-unlad.
Sa pagtatapos ng pagdiriwang na ito, mananatili ang Pilipinas sa pagtahak ng hinaharap kung saan ang agham, teknolohiya, at inobasyon ang nagbibigay daan tungo sa progresibo at maunlad na rehiyon ng MIMAROPA.