Dr. Antonio Abdu-Sami M. Magomnang ng University of Science and Technology of Southern Philippines - Cagayan de Oro sa pagtalakay ng usapin ng renewable energy mula sa basura.
Bilang tugon sa lumalalang epekto ng climate change sa mga lokal na komunidad, limang makabagong inisyatibo ang itinampok ng mga Pilipinong mananaliksik sa ginanap na Science and Technology Expert's Pool (NSTEP) Policy Dialogue ng Department of Science and Technology - National Research Council of the Philippines o DOST-NRCP sa Crimson Hotel, Alabang.
Ang nasabing diyalogo ng mga polisiya na pinangangasiwaan ng DOST-NRCP ay naging tulay sa mga patakaran na layong tugunan ang mga implikasyon ng pagbabago ng klima sa bansa at maging sa buong mundo.
Kabilang sa tatlong natatanging proyekto mula sa NSTEP Mindanao 1 ay ang renewable energy mula sa basura, ang patakarang itinutulak ni Dr. Antonio Abdu-Sami M. Magomnang ng University of Science and Technology of Southern Philippines - Cagayan de Oro.
Sa inisyatibong ito, binibigyang-diin ang pagsasanay sa integrasyon ng biogas, pamamahala ng basura, at mga patakarang pangkaligtasan o safety protocols.
Mga polisiya sa proteksyon ng watershed naman ang ibinida ni Dr. Elsa May Delima Baron ng San Pedro College. Ayon sa mananaliksik, ang pagtatalaga ng Baguan Watershed sa Tarragona, Davao Oriental bilang isang “community watershed” ay magpapalawak sa mga protektadong lugar ng nasabing bayan.
Bukod dito, ibinahagi rin ni Professor Edison Roi D. Macusi ng Davao Oriental State University ang mga pananaw sa small-scale fisheries at mga estratehiya sa pagtugon sa sakuna.
Maliban sa training assistance at tuluy-tuloy na pagpapatupad ng mga regulasyon ng mga lokal na pamahalaan, iminungkahi rin ng mananaliksik ang pagsasagawa ng adaptation measures at pagpapalakas ng community resilience sa baybaying lugar ng Bananga.
Sa mga nabanggit na mga inisyatibo, mahalaga ang papel ng pananaliksik, ayon kay Policy Research Director Gilbert E. Lumantao ng Development Academy of the Philippines, sa pagbuo ng mga polisiyang nag-aaksyon lalo na sa konteksto ng climate change.
Karugtong nito ang suporta para sa paggawa ng mga patakarang nakabatay sa ebidensya na binigyang-diin ni Dr. Anthony C. Sales, Regional Director ng Department of Science and Technology-XI at Tagapangulo ng NSTEP Mindanao I.
Nakatanggap ang grupo ng pitong endorso mula sa Regional Development Councils ng Davao at Northern Mindanao, upang itampok ang mga konkretong epekto ng mga inisyatibo ng NSTEP sa mga rekomendasyon at pag-unlad ng polisiya.
Ang NSTEP ay inilunsad noong 2020 ng DOST-NRCP bilang isang plataporma na nagtutulak sa mga mananaliksik, siyentipiko, inhinyero, at mga artista na aktibong makilahok sa paghubog ng mga polisiya at pagdidisenyo ng mga programa. (Ni Sean A. Magbanua, DOST-STII-Intern / Impormasyon mula kay Vener Zygmond O. Rebuelta ng DOST-XI)