Malugod na ipinaaabot ng Philippine Science High School System o PSHSS ang taos-puso nitong pagtanggap at pagbati kay Dr. Ronnalee N. Orteza bilang bago nitong Executive Director.
Si Dr. Orteza, na dating hepe ng Curriculum and Services Division at Campus Director ng Philippine Science High School - Ilocos Region Campus, ay naghatid ng malawak na karanasan at mataas na karera sa larangan ng edukasyon at sa kanyang bagong tungkulin.
Ang seremonya ng panunumpa na pinangunahan ng punong tagapamahala ng Department of Science and Technology (DOST) na si Dr. Renato U. Solidum Jr., ay ginanap sa DOST Central Office sa Taguig City noong ika-11 ng Hunyo 2024. Ang pag-angat ni Dr. Orteza sa posisyon ay nagpapakita lamang ng isang mahalagang hakbang na magpapatuloy ng adhikain ni Lilia T. Habacon, na nagsilbing executive director naman ng institusyon mula taong 2017 hanggang 2024.
Ang paglalakbay ni Dr. Orteza sa larangan ng edukasyon ay patunay ng kanyang dedikasyon at liderato. Siya ay may PhD sa Technological Education Management, may minor sa Development Administration mula sa Don Mariano Marcos Memorial State University. Kasama rin sa kanyang mga pang-akademikong tagumpay ang Master of Arts in Applied Statistics mula sa Benguet State University at Master of Arts in Technological Education na may espesyalisasyon sa Matematika. Nakamit niya ang Bachelor of Secondary Education major in Mathematics nang may karangalang Cum Laude at kinilalang Student Leader of the Year.
Sa kanyang panunungkulan sa PSHSS - Ilocos Region Campus, si Dr. Orteza ay nanguna sa maraming mga proyektong naglalayong mapalakas ang Science, Technology, Engineering and Mathematics education o STEM education at pag-unlad ng institusyon.
Sa ilalim ng kanyang pamumuno, ang naturang campus ay nagkamit ng mga natatanging tagumpay tulad ng ISO 9001:2015 Accreditation, pagtatatag ng unang planetarium sa Northern Luzon, pagtatatag ng Advanced Science and Technology Building, pagtatatag ng Ilocos Innovation Center-Fabrication Laboratory sa pakikipagtulungan sa Department of Trade and Industry (DTI), at matagumpay na implementasyon ng iba't ibang mga proyektong imprastraktura na umabot sa halagang PhP 347,539,299.17.
Ang kanyang mga ambag ay hindi lamang para sa mga administratibong tungkulin bagkus ay aktibo rin si Dr. Orteza sa mga programang pangkomunidad at pagpapaunlad ng propesyon.
Siya ang nag-organisa at nanguna sa mga inisyatibong tulad ng PISAYUDA Outreach Program, Adopt-a-School Program, at mga sesyong pagpapaunlad ng edukasyon na pinakinabangan ng mga paaralan at komunidad sa buong Ilocos Region.
Kinilala ang dedikasyon ni Dr. Orteza sa pamamagitan ng mga parangal na kanyang natanggap tulad ng 2023 Civil Service Commission PAGASA Award, Outstanding Employee Award, Gantimpala Agad Award, at Career Executive Service Eligible designation. Kasapi rin siya sa iba't ibang komite sa loob ng PSHS System, na nakatulong sa pagbuo ng mga patakaran, pamamahala sa kalidad, at pagpromote ng STEM.
Bukod rito, nagkaroon din ng malaking kontribusyon si Dr. Orteza sa larangan ng akademiko, naglathala ng mga pananaliksik, at aklat na nagpapayaman sa akademikong komunidad. Ang kanyang mga pagsasaliksik ay tumatalakay mula sa mga estratehiya sa edukasyon hanggang sa mga modalidad ng STEM learning, na nagpapakita ng kanyang dedikasyon sa pagpapalago ng edukasyon sa pamamagitan ng mga bagong pamamaraan.
Ipinahayag ni Dr. Orteza ang kanyang pasasalamat at pangarap para sa kinabukasan ng PSHSS, na binibigyang-diin ang kanyang pangako sa pagpapalaki sa susunod na henerasyon ng mga lider sa STEM at pagpapatuloy ng kahusayan ng institusyon sa larangan ng edukasyon.
Sa kanyang pamumuno, inaasahang patuloy na magkakamit ang Philippine Science High School System ng mga bagong tagumpay sa pagpapatuloy ng kanilang misyon sa pagbuo ng epektibong mga lider sa agham at teknolohiya mula sa lupon ng kabataan ng Pilipinas.
Ang paglalahathalang ito ay nagbibigay-diin sa propesyonal na paglalakbay at mga tagumpay ni Dr. Orteza, na nagpapakita lamang ng kanyang makabuluhang gampanin sa paghubog sa kinabukasan ng Philippine Science High School System. (Ni Abigael S. OmaƱa, DOST-STII)