Pinangunahan ni Department of Science and Technology (DOST) Secretary Dr. Renato U. Solidum, Jr. ang pormal na pagbubukas ng selebrasyon ng 2024 Regional Science and Technology Week o RSTW sa Eastern Visayas noong ika-26 ng Hunyo 2024 sa People’s Center and Library sa lungsod ng Tacloban.
Ang pagdiriwang na may temang “Bluer and Smarter Eastern Visayas: DOST Providing Solutions and Opening Opportunities” ay nakaayon sa layunin ng rehiyon na gamitin ang agham at teknolohiya upang mapahusay ang mga inisyatiba sa blue economy at makabuo ng SMART communities.
Ayon kay Sec. Solidum, nakatuon ang pagdiriwang sa pagpapataas ng kamalayan sa kahalagahan ng sustainable at responsableng inobasyon. Ito ay sa pamamagitan ng pagtataguyod ng SMART communities at pagpapalakas ng blue economy ng rehiyon.
Isa sa mga pangunahing isyung kinahaharap sa panahon ngayon ay ang pagdami ng populasyon na lubos ding nagpapataas ng pangangailangan sa pagkain, kabuhayan, edukasyon, tirahan, at iba pa. Malaki rin ang kontribusyon sa paglabas ng greenhouse gas ang mga urbanisadong lugar kung saan marami ang lumilipat upang maghanap ng mas marami pang oportunidad.
Bunsod nito, inilunsad ng DOST ang SMART and Sustainable Communities Program upang tugunan ang mga problemang ito sa pamamagitan ng mga solusyong science-based. Layunin ng programang lumikha ng mga komunidad na may pinahusay na ekonomiya, abot-kayang edukasyon, mabisang transportasyon, maayos na paggamit ng yaman, mabuting pamamahala, at maayos na kalusugan.
Ayon kay Dr. Solidum, ang mga inisyatibong may kaugnayan sa pagpapalaganap ng SMART communities ay naglalayong gawing mas progresibo ang mga komunidad sa pamamagitan ng pag-adopt ng sustainable na mga teknolohiya at mga inobasyong environmentally friendly.
Nabanggit din ng kalihim ng kagawaran ang blue economy, isa pang inisyatiba ng DOST. Sakop nito ang sustainable at responsableng pamamahala ng likas na yaman, tulad ng yamang dagat, upang makamit ang ekonomikong pag-unlad habang iniingatan ang kapaligiran.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni DOST Undersecretary for Regional Operations Engr. Sancho A. Mabborang na ang pagdiriwang na ito ay may layunin ring isulong ang adoption, komersyalisasyon, at paggamit ng teknolohiya at palakasin ang kolaborasyon sa pagitan ng mga stakeholder sa rehiyon.
Ang pagdiriwang ay isa rin sa mga hakbang ng DOST-VIII upang bigyan ang mga mamamayan sa rehiyon ng pagkakataong mag-alay ng kontribusyon sa sosyo-ekonomikong kalagayan ng rehiyon sa pamamagitan ng STI.
Inilahad rin niya ang mga aktibidad at programang nakapaloob sa RSTW tulad ng mga S&T exhibits na magtatampok ng mga inobasyon para sa produksyon, disaster risk reduction and management, kakayahan ng yamang-tao sa bansa, SMART and sustainable communities, at blue economy; mga science forum upang matalakay ang implementasyon ng iba’t ibang programa tulad ng Small Enterprise Technology Upgrading Program o SETUP, Community Empowerment thru Science and Technology o CEST Program, at Grants-in-Aid program; at mga aktibidad para sa mga kabataan gaya ng STEM Olympiad, laboratory testing demonstration, pang-edukasyong pagbisita sa Mobile Planetarium ng DOST-Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, at Indie Siyensya Film Festival.
Dagdag naman ni DOST-Technology Application and Promotion Institute Director Atty. Marion Ivy D. Decena, nagsisilbi ring plataporma ang pagdiriwang upang mapabilis ang pag-unlad ng rehiyon sa pamamagitan ng science, technology, and innovation (STI). (Ni Rudy P. Parel, Jr., DOST-STII)