MENU

Local_Tea.png

Patuloy ang pag-arangkada ng Philippine Journal of Science (PJS) sa pandaigdigang Scopus CiteScore Ranking base sa pagsusuri ng Scopus mula Mayo 2023-2024.

Sa loob ng walong (8) taon mula 2017-2024, nananatili ang pahayagan sa Top 100 Most Cited Journal Ranking ng Scopus sa kategoryang Multidisciplinary Journals.

Ang Scopus ay isa sa maaasahan sa abstraksyon at pagraranggo ng pagsisipi o citations ng mga pang-akademikong literatura sa buong mundo. Ito ay nakaangkla sa Elsevier, isang Dutch publishing company.

Sa taong 2023, nakamit ng PJS ang 1.2 h-index. Ipinapahiwatig ng metrikong ito na sa 761 na dokumentong nailathala ng PJS ay nakalikom ito ng 897 na citations sa loob ng tatlong taon (2020-2023).

Bukod dito, nasa 49% ng kabuuang artikulo na nailathala sa loob ng tatlong taon ang ginamit bilang basehan sa iba’t-ibang pag-aaral na lumabas sa mga journal, libro, conferences, at media releases.

Ito ay maituturing na positibong indikasyon sa publikasyon dahil natutumbasan ng pagsisipi o citations ang dami ng mga inilalathala na artikulo. Sa kalagitnaan ng 2024 ay umangat ang rango ng PJS sa Scopus na nasa 72/134 na pwesto at h-index na 1.1 (798 citations over 696 documents).

Ngayong taon, ang Philippine Journal Science (PJS) ay isang daan at labingwalong (118) taon na sa serbisyong paglalathala ng mga pag-aaral sa natural sciences, engineering, mathematics, at social sciences. Ang mga pag-aaral na isinusumite ay sumasailalim sa mabusisi at maprosesong pagsusuri ng mga Pilipino at banyagang eksperto sa iba’t ibang larangan.

Ang mga artikulong nailalathala ay naglalayong makapagbigay ng posibleng solusyon sa mga problema ng lipunan gaya ng kagutuman, kahirapan, pagkakasakit, at mga sakuna dulot ng pandemya at mga kalamidad.

Naghahatid rin ang PJS ng makabagong kaalaman patungkol sa mga bagong nadiskubreng organismo sa lupa at katubigan, gamot at bitamina, o pagpapaliwanag sa mga phenomena gaya na lamang sa kung paano pinoprotektahan ng Sierra Madre Mountain Range ang bahagi ng Luzon mula sa super typhoons.

Sa PJS rin nailathala ang mapa ng mga yamang mineral sa Pilipinas gaya ng ginto, tanso, bakal, at uling noong early 1900’s. May mga pag-aaral ring nailathala tungkol sa mga mahahalagang palatanungan o surveys ng nakalipas na COVID-19 pandemic.

Ang pahayagan ay naglalabas ng regular na isyu sa mga buwan ng Pebrero, Abril, Hunyo, Agosto, Oktubre, at Disyembre kasama ang isang (1) espesyal na isyu kada taon.

Maaaring makakuha ng buo at libreng elektronikong kopya ng mga artikulo ng PJS sa kanilang website: https://philjournalsci.dost.gov.ph/ at i-cite ang mga ito.(Ni Caryl Maria Minette I. Ulay, DOST-STII)