Inilunsad ng Department of Science and Technology-Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o DOST-PAGASA ang inobasyon sa kanilang website na makapagbibigay ng angkop na ulat panahon sa lahat ng rehiyon at probinsya sa bansa.
Sa nakaraang North Luzon HANDA sa Ilocos Norte, binigyang linaw ni Sharon Juliet M. Arruejo, assistant weather services chief ng DOST-PAGASA ang tungkol sa Sub-seasonal to Seasonal (S2S) forecast na buwanang predikyon sa lagay ng panahon.
Ang HANDA Pilipinas ay ang pambansang kampanya ng Department of Science and Technology (DOST) na nakatuon sa disaster risk reduction and management (DRRM).
Ayon sa hepe, makatutulong ang S2S sa pagsasagawa ng pagsagip maging sa mga biyahero at manlalakbay upang maihanda ang kanilang kakailanganin sa daan at maiwasan ang anumang banta dulot ng sama ng panahon.
“Mabibigyan natin ng ulat ang publiko tungkol sa tiyansa ng pag-ulan, kung ano ang tinatayang porsyento, maging ang pagpasok, at katangian ng bagyo sa pamamagitan ng PAGASA website,” ani Arruejo.
Sa ulat ng DOST-PAGASA, tinatayang nasa 13 to 18 tropical cyclones ang maaaring pumasok sa bansa ngayong 2024. Pangatlo na riyan ang bagyong Carina (Typhoon Gaemi) na sinabayan ng southwest monsoon o hanging habagat at nakaapekto sa higit isang milyong pamilya (1,317,111) at nagdulot ng tatlumpu’t siyam (39) na pagkamatay, at halaga ng pinsala sa agrikultura na tinatayang nasa mahigit limang daang milyong piso (PHP 545,216,362) at higit apat (4) na bilyong piso (PHP 4,263,026,035) sa imprastraktura, ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) noong ika-30 ng Hulyo 2024.
Isa pang kainaman ng inobasyon sa DOST-PAGASA website ang pagkakaroon ng “agri-weather” panel na maaaring maging basehan sa paggawa ng mga kinakailangang reporma sa polisiya at programang pang-agrikultura upang mas maprotektahan ang kabuhayan ng mga magsasaka.
Ngunit sa kabila ng pagsisikap na makapagbigay ng ulat-panahon na naaayon sa oras, kinakailangan pa ring palakasin ang pagpapahiwatig ng angkop na interpretasyon ng klima at panahong nararanasan at mga posibleng epekto nito sa publiko ayon kay DOST-PAGASA Senior Weather Specialist Romeo B. Ganal Jr.
Ayon pa sa naturang eksperto, ang ginagamit na multi-hazard impact-based forecasting and early warning system ay nakabase sa pandaigdigang batayan.
“Kailangan nating sikapin na ipaintindi sa madla kung ano ang phenomenang nangyayari sa kasalukuyang lagay ng panahon, ano ang epekto nito, at ano ang nararapat na gawin,” dagdag ni Ganal.
Ang ikalawang edisyon ng Reference for Emergency and Disaster o RED Book na inilathala ng DOST. (Larawan mula sa DOST Philippines Facebook page)
Samantala, inilimbag ng DOST ang pangalawang edisyon ng Reference for Emergency and Disaster o RED Book (https://www.dost.gov.ph/knowledgeresources/downloads/file/7970-red-book.html) na magsisilbing gabay sa bawat Pilipino tungkol sa iba’t-ibang senyales at alert levels ng mga natural na kalamidad gaya ng pagputok ng bulkan, bagyo, tsunami, storm surge at iba pa. Makikita rin sa libro ang mga hakbang sa paghahanda, at paraan ng pagresponde sa pananalanta ng delubyo.
Nagbigay naman ng paalala ang DOST-PAGASA sa kanilang Facebook page sa kumakalat na balita sa umano’y pagdating ng mala-Yolandang bagyo sa bansa. Ayon sa ahensya, iwasan ang agarang pagkakalat ng mga balita mula sa hindi kumpirmadong source upang maiwasan ang kaguluhan dulot ng pekeng banta.
Inaanyayahan ang bawat isa na makibalita sa lehitimong impormasyon at updates tungkol sa mga ulat panahon sa kanilang opisyal na social media platforms:
(1) Facebook: @Dost_pagasa
(2) Website: https://bagong.pagasa.dost.gov.ph,
(3) Twitter/X: https://twitter.com/dost_pagasa, at
(4)Youtube: https://www.youtube.com/channel/UCpyLikj1x70S8UPxVqsPr6g. # (Ni Caryl Maria Minette I. Ulay, DOST-STII)