Sa pamamagitan ng suporta ng Department of Science and Technology (DOST) - Balik Scientist Program, nagbukas ang University of Mindanao (UM) ng kauna-unahan nitong Biomolecular Engineering Laboratory o UMBEL. Ang layunin ng inisyatibong ito ay ang pag-transform ng mga basura sa kapaligiran tungo sa mga mahahalagang industrial compounds at ang pagpapalawig ng mga makabago at mabisang biosensors para sa pagtuklas ng mga pollutant sa kapaligiran.
Tatlong DOST Balik Scientists—Dr. Angelo Banares (metabolic engineering), Dr. Chosel Lawagon (nanotechnology), at Dr. Terence Al Abaquita (crop protection, neurobiology, chronobiology, at cell and molecular biology)—ang nagpakita ng kanilang mga kolaborasyon upang mapahusay ang kakayahan ng bagong laboratoryo.
Ang UMBEL ay itinatag upang isulong ang mga pag-aaral sa biomolecular engineering gamit ang mga makabagong pamamaraan.
Nakatuon ang UMBEL sa pagsasama ng metabolic engineering at synthetic biology upang tugunan ang mga lumalaganap na suliraning pangkapaligiran sa pamamagitan ng engineering ng nonpathogenic microbes. Ang mga interes sa pananaliksik ng laboratoryo ay kinabibilangan ng:
- Metabolic engineering - Upang pabilisin ang pagkasira ng mga basura tulad ng plastics, agricultural, urban, at iba pang mga toxic chemical wastes, at upang i-convert ang mga basura sa high-value chemicals;
- Optimisasyon sa pamamagitan ng fine-tuning ng metabolic pathways at fermentation processes upang mapabuti ang produksyon ng mga engineered strains para sa industrial purposes; at
- Pag-develop ng cost-effective biosensors para sa pagtuklas ng toxic heavy metals at chemical pollutants.
“Sinasalamin ng pagbubukas ng UMBEL ngayon ang pagkakaroon ng complementary skills at kaalaman sa tulong na hatid ng tatlong DOST Balik Scientists,” saad ni DOST Secretary Renato U. Solidum Jr.
Umaasa si DOST Undersecretary for Research and Development Leah J. Buendia na ang kaganapang ito ay hihikayat sa mas maraming Pilipino sa ibang bansa na sumali sa DOST Balik Scientist Program.
“Layunin naming itaguyod ang patuloy na pagpapalitan ng kaalaman at pabilisin ang daloy ng mga bagong teknolohiya sa pagitan ng ating mga lokal na mananaliksik sa pamamagitan ng paghahanap ng suporta mula sa mga eksperto at propesyonal na Pilipino upang makilahok sa programa at bumalik sa Pilipinas,” ani Buendia.
Ang Balik Scientist Program o BSP ay naglalayong ring hikayatin ang mga Pilipinong siyentipiko at teknolohista na bumalik at manirahan sa Pilipinas at ibahagi ang kanilang kaalaman.
Sa kanyang natatanging mensahe, ibinahagi ni DOST Usec. Buendia na magmula nang itinatag ang Balik Scientist Program noong 1975, mayroon na itong 665 Balik Scientists sa ilalim ng 861 na kolaborasyon sa labing-isang rehiyon.
Ito ay isang patunay na ang DOST-Balik Scientist Program ay isang pambihirang inisyatiba na walang dudang nagpapalakas ng kakayahan ng ating bansa sa agham at teknolohiya, sa pamamagitan ng mga kagalang-galang na Balik Scientists tulad nina Dr. Bañares, Dr. Lawagon at Dr. Abaquita. (Ni Abigael S. Omaña, DOST-STII at Impormasyon mula sa DOST-XI)