MENU

 

3

Nagsagawa ang Department of Science and Technology Regional Office No. 6 o DOST-VI ng isang oryentasyon para sa online na pag-aaplay ng License to Operate (LTO) at Certificate of Product Registration (CPR) sa pagdiriwang ng Micro, Small, and Medium Enterprise (MSME) Development Week na may temang “Innovate to Elevate MSMEs.

Binati ni DOST-VI Assistant Regional Director for Finance and Administrative Services Dr. May Rose O. Suerte ang mga lumahok mula sa iba’t-ibang probinsya. 

Binigyang-diin niya ang suporta ng DOST-VI sa mga MSMEs sa rehiyon at ang kampanya upang madaling maipaabot ang mga serbisyo upang makapag-level up ang produksyon, mapabuti ang product quality, at makasunod sa mga regulasyon at mga requirements na naaayon sa batas tulad ng LTO at CPR.

Pinapatupad sa Pilipinas ang pagkuha ng License to Operate o LTO mula sa Food and Drug Administration o FDA ng mga establisyimento sa Pilipinas na may kinalaman sa pag-manufacture, pag-import, pag-export, pag-distribute, at pagbebenta ng pagkain.

Ang Certificate of Product Registration o CPR naman ay kinakailangan din para sa pagbebenta or pag-manufacture ng isang food product. Ang sertipikasyon na ito ay nangangahulugang nasuri ng FDA ang mga sangkap, ang proseso ng paggawa, labeling, at mga potensyal na panganib sa paggawa nito. Ito din ay nangangahulugang sumunod sa safety and quality standards ang produkto.

Ang naturang oryentasyon ay naglalayong maiparating sa mga MSMEs ang kahalagahan ng pagkuha ng iba’t ibang sertipikasyon tulad ng LTO at CPR mula sa FDA at maituro sa kanila ang step-by-step na proseso ng pagkuha nito online.

Dagdag pa rito, ibinahagi rin ang iba’t-ibang programa ng DOST tulad ng Small Enterprise Technology Upgrading Program o SETUP, DOST Regional Science and Technology Laboratory o RSTL Services, at ang DOST-Developed Food Technologies. (Ni Carl Miguel A. Lusuegro, DOST-STII)