Nilahukan ng mga mag-aaral na senior high school mula sa iba’t ibang paaralan sa bansa ang ikapitong siklo ng imake.wemake: create.innovate.collaborate ng Department of Science and Technology-Science Education Institute o DOST-SEI.
Layon ng kompetisyong ito na maipalaganap ang kultura ng agham at teknolohiya sa mga kabataan. Binibigyan din nito ng pagkakataon ang mga mag-aaral na gumamit ng malikhaing pag-iisip upang bumuo ng inobasyong magpapabuti sa kondisyon ng lipunan o ng isang partikular na komunidad.
Mula sa 94 na proyektong natanggap ng DOST-SEI, napili ang dalawampung pangkat na ang bawat isa ay binubuo ng apat na mag-aaral na senior high school at isang teacher-coach upang sumali sa kompetisyon.
Sa awarding ceremony na isinagawa noong ika-26 ng Hulyo 2024 sa lungsod ng Pasay, iba’t ibang parangal ang ipinagkaloob ng DOST-SEI, kasama ng C&E Publishing, Gokongwei Brothers Foundation (GBF), at Honda Cars Philippines, Inc., sa mga nanalong pangkat.
Ang mga grupo mula sa Limay Senior High School (LSHS), Iligan City National High School (ICNHS), at Bansud National High School (BNHS)-Regional Science High School for MIMAROPA ang mga nakatanggap ng Youth Innovation Prize para sa taong ito.
Nanalo ang LSHS para sa kanilang proyektong Efficient Code Recognition and Enhanced Auditory Device o EC-READ, isang assistive reading device para sa mga taong may kapansanan sa paningin.
Itinampok naman ng ICNHS ang kanilang proyektong Smart Agriculture with Greenhouse Automated Nebulization and Artificial Intelligence (AI) Assessment o S.A.G.A.N.A. Ito ay sistema ng pagsasaka para sa epektibong pag-monitor ng mga halaman, pagdaloy ng nutrients, at pagpapanatili ng tamang halumigmig.
Panghuli, ipinakita ng BNHS-Regional Science High School for MIMAROPA ang proyektong AQUASTELLAR, isang mura at portable na lampara na maaaring magsilbing alternatibong light source, lalo na sa mga lugar na may kakulangan sa imprastruktura ng kuryente.
Samantala, apat na mag-aaral ang ginawaran ng Young Scientist Award ng GBF. Ito ay sina Shennon Kate Deogracias ng BNHS-Regional Science High School for MIMAROPA, Alessandra Elaine Miñoza at Aisah Esnaira Salic ng ICNHS, at Marcus Dwayne Laoit ng LSHS.
Dagdag pa nito, nakatanggap ang mga proyektong “SILEYE: Object Detection and Identification Headgear with Voice Output for Learning of Visually Impaired Persons” ng Masbate National Comprehensive High School, “SALAMUHA: Filipino Sign Language Assistive System via Convolutional Neural Network for Holistic Learning and Inclusive Communication” ng Rizal National Science High School, at “PROJECT BASSA: An IoT-Based Buoy Automatic Sanctuary Security Assistance” ng Bantayan Science High School ng C&E Alternative Learning Solutions (CEALS) Arduino Science Kreators Award.
Pinarangalan din ang City of Bogo Senior High School ng CEALS Innovation Award para sa “AGRIGENT: Enhancing Greenhouse Agriculture with IoT-Enabled Automated Fertigation and Rainwater Harvesting System for Improved Crop Growth and Water Efficiency”.
Sa kanyang pangwakas na pananalita, kinilala ni DOST Secretary Renato U. Solidum, Jr. ang mga mag-aaral bilang mga susunod na henerasyon ng inhinyero at siyentipiko dahil sa kanilang mga inobasyong makatutulong sa mga komunidad.
“I am looking forward for your projects to reach its target audience, the Filipino masses, and to embody the “‘agham na mararamdaman ng bawat Pilipino,’” ani pa niya.
Opisyal din niyang binuksan ang ikawalong siklo ng imake.wemake competition para sa susunod na taon. (Ni Rudy P. Parel, Jr., DOST-STII)
Pagtanggap ni Alessandra Elaine Miñoza ng Young Scientist Award mula kina DOST-SEI Officer-in-Charge Albert G. Mariño, DOST Secretary Renato U. Solidum, Jr., at Gokongwei Brothers Foundation Senior Program Officer Sarah A. Ramos.