MENU

 

Muling ilulunsad ng Department of Science and Technology (DOST) ang National Youth Science, Technology, and Innovation Festival (NYSTIF) mula ika-18 hanggang ika-21 ng Setyembre 2024 sa The Forum Tent ng Philippine International Convention Center sa lungsod ng Pasay matapos ang matagumpay na pagsasagawa nito noong nakaraang taon.

Para sa ikalawang taon nito, ang naturang science festival na may temang “STEM VIBE: Engaging the Youth in Providing Solutions and Opening Opportunities,” ay may layong palaganapin ang pagpapahalaga at kamalayan ng mga kabataan sa agham at teknolohiya. Kaugnay ng titulo nitong “STEM VIBE”, bibigyan nito ng pagkakataon ang mga kabataan na maranasan ang Vibrant, Innovative, Brilliant, and Engaging (VIBE) na katangian ng science, technology, engineering, and mathematics (STEM) upang hikayatin silang tahakin ang mga larangang ito para sa kanilang mga karera.

Sa isang panayam kasama ang DOST-Science and Technology Information Institute (STII), inimbitahan ni DOST Undersecretary for Scientific and Technical Services Maridon O. Sahagun ang mga kabataan na dumalo sa pagdiriwang. Aniya, ito ay magtatampok ng iba’t ibang aktibidad kung saan maaaring makilahok ang mga kabataan tulad ng mga technology exhibit, kompetisyon, science forum, seminar, at iba pa.

Masasaklaw ng mga aktibidad na ito ang iba’t ibang paksa sa agham at teknolohiya gaya ng blockchain technology, science communication, metrology, textile technology, data analytics, pagkain at nutrisyon, 3D printing, mga halaman, at iba pa.

Ang pagdiriwang na ito ay magsisilbi ring plataporma upang ipakita ang mga tagumpay ng DOST sa larangan ng agham at teknolohiya. Itatanghal sa 2024 NYSTIF ang iba’t ibang exsibit ng mga programa at teknolohiya mula sa piling ahensya ng DOST.

Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang NYSTIF Facebook Page sa www.facebook.com/nystif.dost at ang NYSTIF website sa www.nystif.dost.gov.ph. (Ni Rudy P. Parel, Jr., DOST-STII)