Ang ganda ng Cordillera ay sadyang walang kupas. Lumipas man ang panahon ay patuloy ang pagsusumikap ng mga katutubo na pangalagaan ang kanilang tahanan. Narito ang dalawa sa ginintuang pagpapatotoo sa pagpapanatili ng kanilang pagkakakilanlan.
Ika-apat na Biosphere Reserve sa Pilipinas
Sa ikatatlumpu’t anim na sesyon ng International Coordinating Council of the Man and Biosphere Programme ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO), hinirang ang probinsya ng Apayao bilang ika-apat na “Biosphere Reserve” ng bansa.
Ang mga biosphere reserves ay kinikilala ng United Nations bilang modelong lugar para sa sustainable development kung saan may pagpapahalaga sa likas na yaman ang taong naninirahan dito.
Sa kasalukuyan, mayroong apat (4) na biosphere reserves ang matatagpuan sa Pilipinas—ang probinsya ng Palawan, ang bayan ng Puerto Galera sa Oriental Mindoro, ang probinsya ng Albay sa Bicol, at ang probinsya ng Apayao.
Binansagan bilang last frontier ng Cordillera, ang probinsya ng Apayao ay may bulubundukin at patag na kalupaan at ekta-ektaryang mga birhen na kagubatan.
Aktibo ring pinapairal ng mga mamamayang Isneg ang “Lapat” o ang katutubong sistema ng pangangalaga sa lupang gubat na pagmamayari ng namayapang katribo. Pinaniniwalaan na ang kaluluwa ng namayapa ay naglalakbay sa kanyang gubat at makatutulong umano ito sa kanyang mapayapang pagtawid sa kabilang buhay.
“Kapag inunsyo na ang ang isang lugar dito ay protected area, bawal na talaga itong pasukin at gumawa ng kahit anong aktibidad na makakaistorbo,” ani Governor Elias Bulut Jr. sa isang panayam ng Philippine News Agency.
Pinakamalaking industriya ng katutubong paghahabi
Kinilala rin ang Cordillera Administrative Region (CAR) bilang pinakamalaking katutubong manghahabi sa bansa na binubuo ng dalawangpu’t isang porsyento (21%), ayon sa Department of Science and Technology-Philippine Textile Research Institute o DOST-PTRI.
Mayroong natatanging teknik sa paghahabi ang rehiyon. Tinatawag na Ikat ang kanilang tela na gawa sa cotton. Karaniwang makikita sa kanilang mga kagamitan o kasuotan gaya ng kumot, tapis o saya, at bahag (loincloth) ang pagpaparisang kulay na pula-itim-puti na sumisimbulo ng katapangan, at elemento ng kalikasan gaya ng lupa at bulaklak gayon din ang mga disenyo na nagrerepresenta ng kanilang pamumuhay.
Samantala, malawakang sinusuportahan naman ng DOST-PTRI ang pagpapatuloy ng mga tradisyonal na manghahabi sa pamamagitan ng pagtuturo ng teknikal na kaalaman at pagpapakilala ng mga inobasyon sa produksyon at paghahabi gamit ang seda at hibla ng mga halaman.
Sa katunayan, naitayo ang Natural Textile Fiber Innovation Hub sa Apayao noong Setyembre 2023 upang palakasin ang produksyon at supply ng natural na hibla mula sa kawayan, dahon ng pinya, at puno ng saging.
Noong 2022, itinayo ng DOST-PTRI ang Silk Innovation Center sa Kalinga State University (KSU) para sa produksyon ng mulberry farm na siyang pangunahing pagkain ng silkworms na lilikha ng mga seda.
Ang DOST-PTRI ang siyang punong-abala sa pagpapalakas ng industriya ng lokal at natural na produksyon ng lokal na tela sa bansa.
Kanilang ibinibida ang tradisyonal na tela sa mga lokal at internasyonal na textile at clothing markets, upang ipakilala ang kagandahan ng materyal bilang modernong mga kasuotan na maaaring gamitin hindi lamang sa espesyal na okasyon kundi pati na rin sa pang-araw-araw.
Matutunghayan ang mga sampol ng kasuotan at kagamitang gawa sa lokal na tela sa kanilang Tela Gallery Textile Design and Innovation hub at fashion show events. (Ni Caryl Maria Minette I. Ulay, DOST-STII)