Isang kasunduan ang nilagdaan ng gobyerno ng Pilipinas, ng mga piling kinatawan mula sa pribadong sektor, at ng DOST-Industrial Technology Development Institute o DOST-ITDI para sa pinakabagong programa ng gobyerno na “Timbangan ng Bayan”.
Mahalagang papel ang ginampanan ng Department of Trade and Industry o DTI, Department of Interior and Local Government o DILG, Department of Science and Technology o DOST, at ang Rizal Commercial Banking Corporation o RCBC para sa proyektong ito.
Ang proyekto ay naglalayong maglagay ng timbangan sa mga pampublikong palengke, particular na sa mga nasa ika-apat hanggang ika-anim na class municipalities upang mabigyan ang mga konsumer ng paraan na masiguradong wasto ang timbang ng kanilang pinamili.
Ang National Metrology Laboratory o NML ng DOST-ITDI ang sisiguro na tama ang timbang sa mga timbangan sa pamamagitan ng serye ng beripikasyon. Kabilang sa prosesong ito ang pagkukumpara ng resulta ng mga timbangan sa mga pamantayan ng timbangan o mas kilala sa measurement traceability. Sa pagsisiguro ng wastong timbang sa mga timbangan, mahalaga ang natutulong ng NML sa pagkamit ng layunin na fair trade ng proyekto.
Binigyang-diin ni Dr. Janet F. Quizon, ang officer-in-charge ng Office of the Deputy Director for Administrative and Technical Services ng DOST-ITDI, ang pangako ng NML sa proyektong “Timbangan ng Bayan”. Aniya, mahalaga ang wastong timbang upang maprotektahan ang karapatan ng konsumer at pagbuo ng tiwala sa merkado. Pagpapatuloy niya, ang pagtutulungan ng gobyerno at pribadong sektor ang susi sa tagumpay ng proyekto.
Ang naturang proyekto ang magbibigay-proteksyon sa konsumer mula sa hindi tamang gawain sa kalakalan at naglalayong maglagay ng tama at wastong timbangan sa mga pampublikong palengke upang matiyak ng mamimili na tama ang bigat ng kanilang ipinamili.
Hatid nito ang mensaheng: “Ano mang sukat ay ‘di sapat, kung ang panukat ay ‘di tapat.” (Ni Carl Miguel A. Lusuegro, DOST-STII)